Issue 4

August 2017

[ CLICK TO ENLARGE ]

Issue 4: August 2017

Libreng Edukasyon, Hindi Dagdag Buwis!

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o ang RA 10931. Ito ang batas na ayon sa gobyerno ay magbibigay ng libreng tuition sa mga estudyante ng State Universities and Colleges (SUC) at ilang mga Local Universities and Colleges (LUC) kasama na ang mga pampublikong Technical-Vocational Institutions (TVI).

Batay sa datos ng Commission on Higher Education (CHED), may 228 na public tertiary institution sa bansa na makikinabang sa nasabing batas. Kumakatawan ito sa mahigit 1.3M na estudyanteng naka-enroll sa mga SUCs at LUCs sa buong bansa.

Malaki ang maitutulong ng batas na ito sa mga mahihirap nating estudyante, ngunit malayo pa ito sa ating ipinapanawagang Libreng Edukasyon para sa Lahat. Dahil ang batas na ito ay sumasaklaw lamang sa maliit na porsyento ng mga estudyanteng naka-enroll sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. Ngunit tagumpay na ring maituturing ito sa mahigit ng dekadang pakikibaka para sa libre at kalidad na edukasyon sa bansa.

Ngunit ang tagumpay na ito ay nakasasalay pa rin sa tanong na seryoso nga ba ang gobyerno na gawing prayoridad ang edukasyon sa kanyang mga programa? Handa ba ang gobyerno na lagyan ng sapat na pondo ang RA 10931 upang ito ay tunay na mapakinabangan ng lahat ng estudyantend papasok at kasalukuyang naka-enroll sa mga SUCs at LUCs sa bansa?

Ang sagot sa mga katanungan na iyan ay lantad sa mga pahayag ng ating mga lider sa gobyerno. Ang sagot – hindi sila seryoso na gamitin ang batas na ito upang magbigay ng libreng edukasyon para sa lahat.

Mismong si Budget Secretary Benjamin Diokno ang nagsabi na hindi mainam na pamuhunan ang edukasyon o bigyan ng malaking pondo ang edukasyon dahil hindi naman agarang may pakinabang sa lipunan ang mga estudyante. Ito ay pagpapakita lang na hindi handa ang ehekutibo na tustusan ang pangangailangan ng mahihirap na estudyante bagkos ay itinuturing pa ang paglalaan ng pondo sa edukasyon na pagsasayang lamang o maling uri ng pamumuhunan.

Isa pang patunay na nagpapakitang hindi prayoridad ng gobyernon ang edukasyon ay ang budget proposal ng management team ni Pangulong Duterte para sa 2018 National Budget. Imbes na dagdagan ang budget para sa free tuition para sa susunod na taon ay binawasan pa ang pondo para edukasyon sa taong 2018. Ito baa ng may intension na gawing prayoridad ang edukasyon?

Kaya nakatatawa na ipinagbubunyi ng ilan ang pagpirma ni Duterte sa batas na ito. Pumirma siya sa isang batas na nagbibigay ng libreng tuition sa mga mag-aaral ng mga SUCs ngunit hinayaan niya ang kanyang budget team na bawasan ang pondo para sa libreng edukasyon? Hindi ba nakatatawa ito?

Dapat bantayan ang isyu na ito, lalo na ngayong nakaamba ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). Tax reform package ng ehekutibo na imbes na makatulong sa masa at manggagawang Pilipino ay magiging pabigat pa lalo. Gagamitin ngayon ng gobyerno ang batas sa free tuition fee upang maipasa ang kanilang hindi maka-masa at hindi maka-manggagawang tax reform. Ngayon pa lamang ay naririnig na natin ang naratibong ginagamit ng ehekutibo, halimbawa na “ang kongreso ang humanap ng pondo para sa free tuition fee law.” Sinasabi lamang ng Malakanyang na “Ipasa ninyo ang TRAIN at may pondo kayo para sa free tuition fee.”

Hindi tayo naniniwala na walang pondo na maaaring gamitin para sa free tuition fee law. Maraming maaaring pagkunan ng pondo upang mapakinabanangan ng mahihirap nating estudyante sa kolehiyo ang batas na ito. Nariyan ang Pork Barrel ng mga kongresista at mga senador na hanggang ngayon ay pilit pa rin nilang “isinisiksik” (tinatawag na insertion) sa national budget. Bakit hindi natin kunin ang pondo sa pork barrel at ilagay ito sa edukasyon?

Nariyan rin ang “Intelligence Fund” na ginagamit lamang ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang magnakaw. Ang Bureau of Customs (BOC) na nagpasok ng mga dating atleta para sa “intelligence gathering” kuno, ngunit ang ginagawa naman ng mga atletang ito ay gawain ng Public Relations o isang PR na ang layon ay pabanguhin ang BOC sa publiko. Bakit hindi natin kunin ang pondo para sa intelligence fund at ilagay sa edukasyon?

Ang pondo para sa war on drugs na hindi naman nakitaan na mauuwi sa pagkawala ng ilegal na droga sa bansa. Imbes na sayangin ang pera sa pagpatay ng mga pusher at adik ay bakit hindi gamitin ang pondo upang ilagay ang mga kabataan sa loob ng paaralan upang makaiwas sa droga?

May problema ang gobyerno na ito sa usapin ng pagbibigay ng prayoridad. Mas pinapaboran ng gobyernong ito ang mga programa na popular tulad ng war on drugs at mga programa na pabor sa mga kapitalista tulad ng TRAIN. Indikasyon na ang gobyernong ito ay Populist at Pro-Capitalist!

Nakatatawa ring pinag-aagawan ng kampo ng mga Dilawan at kampo ni Duterte ang kredito ng pagkakaroon ng batas na ito. Hindi ang Liberal Party na siyang nagtulak ng batas na ito, o si Duterte na pumirma sa batas na ito ang dapat nating pasalamatan. Ang batas na ito ay ibinunga ng mahabang pakikibaka ng mga estudyante at kabataan.

Kung pagbabatayan mo ang mga aksyon ng dalawang kampo - mga Dilawan na hindi ipinasa ang batas na ito nuong panahon nasa kapangyarihan sila, at ang kasalukuyang gobyerno ni Duterte na hindi naglagay ng sapat na pondo para sa edukasyon - pareho lamang sila na walang tunay na pagpapahalaga sa kapakanan ng mga mahihirap na estudyante! Hindi sila ang dapat pasalamatan at dapat na palakpakan!

Hindi rin dapat na maging kampante na lamang tayo at maghintay na maipatupad ang batas na ito. Kagaya lamang iyan ng anti-Dynasty na nakasaad sa ating Saligang Batas, nakasulat ngunit hindi naipatutupad! Huwag muna tayong magpalakpakan at magsaya sa pagkakapirma sa batas na ito, dahil kung walang pondo na ilalaan para dito ay walang kuwenta ang batas na ito. Kung ang pagkuha sa libreng tuition na ito ay may pagsasala pa na magaganap kung sino ang dapat makakuha, hindi ito maaaring tawaging “para sa lahat!”

Wala pang dapat na ipagbunyi! Hindi pa tapos ang laban! Maging mapanuri at patuloy na magbantay! Dahil kung hindi tayo magiging alerto, malamang ay ang dagdag na buwis at hindi libreng edukasyon ang maisakatuparan!

*Si Jhuly Panday ay lider ng Partido Lakas ng Masa (PLM) at kumikilos sa hanay ng kabataan.

Editorial Board


Ramani Silva

Sonny Melencio

Ric Reyes

Ed Tadem

Luke Espiritu

Merck Maguddayao

Walden Bello

Kat Leuch

Ellecer 'Budit' Carlos

Aaron Pedrosa

Cover and layout artist

Zeus Agustin

Links

Partido Lakas ng Masa