Issue 3

July 2017

[ CLICK TO ENLARGE ]

Issue 3: July 2017

Wala nang Paglingon Pabalik para kay Duterte

(Pagsasalin sa Pilipino ng artikulong “A Nation’s Odyssey towards a Popular Dictatorship,” na lumabas sa Rappler noon 26 ng Hunyo 2017. Salamat sa kaibigang nagsalin nito.)

Isang taon pagkatapos maluklok sa kapangyarihan si Rodrigo Duterte, nasa daan na nga patungo sa isang diktadurya ang Pilipinas. Tulad ng kongkistador na si Cortez, sinunog na ni Duterte ang mga iniwang barko. Wala nang balikan. Ang pagbaba sa poder pagkatapos ng anim na taon ay mukhang lumalabo na rin, lalo pa’t nakaamba sa kanya ang mga dapat haraping mga kaso sa lokal at internasyunal na korte dahil sa extra-judicial killings ng libu-libong tao. Ngunit taliwas sa karaniwang pakahulugan sa salitang diktadurya, ang rehimeng Duterte ay popular at ang popularidad nito ay nakatuntong sa suporta ng middle class.

Isang taon na ngayo simula nang maging president si Duterte. Nagsimula ang paboritong anak ng Davao ng kanyang pamumuno sa isang opensiba—sa sumunod na 12 buwan ay nakita ang walang pakundangang pagpatay na bumiktima sa mahigit 7,000 kataong napagsuspetsahang drug addict. Ngunit nagtapos ang kanyang unang taon sa depensibang posisyon. Halos isang lingo siyang di nagpakita sa publiko habang nakikipaglaban at patuloy na nabibigo ang military sa pakikipaglaban sa terorismo sa Marawi, ang kinikilalang punong lungsod ng kulturang Islam sa Pilipinas.

Noong isang buwan, pabor pa rin kay Duterte ang mga nagaganap. Gamit ang pag-okupa ng Maute sa Marawi bilang dahilan, sa wakas ay naisagawa niya ang noon pa niyang bantang magdedeklara ng batas militar. Ang ginawa ng Maute ay sagot sa nabigong paghuli ng military sa pangunahing wanted na lider ng teroristang Abu Sayyaf na alyado nang nasabing grupo. Sinasabing ito ay nasa Marawi. Sa pagtingin ng marami overkill ang ginawang pagdeklara ni Duterte ng batas military sa buong Mindanao, ang pangalawang pinakamalaking isla sa Pilipinas.

Ngunit para sa ibang tagasubaybay sa mga nagaganap, di na dapat ikagulat ang naging desisyon ni Duterte dahil matagal nang inilantad niya ang kanyang intension na sumunod sa mga yapak ng kanyang bayani, si Ferdinand Marcos, kung sakaling sa tingin niya ay dumating na rin ang sitwasyon na kakailanganin niyang magdeklara ng batas military. Sa kanilang pananaw, nakita ni Duterte na oportunidad ang nangyayari sa Marawi bilang isang hakbang tungo sa konsolidasyon ng awtoritaryanismo. Ganito rin ang ginawa ni Marcos 50 taon na ang nakakalipas. Ang imposisyon ng ML sa Mindanao ay parang dress rehearsal para sa pagdedeklara ng ML sa buong bansa. Pagkatapos ngang madeklara ng ML sa Mindanao ay nakita ang pagsasabuhay ng isang iskrip. Nagsabi ang Konggreso na hindi na ito magpupulong (sa isang joint session) para aprubahan ang deklarasyon. Sinabi pa ni Duterte na kapag iniakyat ng kanyang mga kalaban ang kaso sa Supreme Court, babalewalain lang niya ang magiging desisyon ng Korte. Isa itong direktang paghamon sa katas-taasang korte, na patuloy naman ang pananahimik.

Ang hindi naabangan ni Duterte ay di agad bibigay at magagapi ang Maute. Ngayon nga sa gitna nang patuloy na stalemate, marami ng sundalo ang namatay, daan-daang sibilyan ang naipit sa labanan, at matagumpay ang propaganda ng Maute, na iniuugnay sa ISIS, sa kanilang propaganda sa buong mundo. Ang nagaganap sa Marawi ay tila nagiging Vietnam ng gobyerno ni Duterte. Di lang nabulgar na hinamon ng machong president ang Maute na ituloy ang bantang sunugin ang Marawi ilang buwan bago ito naganap, naging malinaw din na wala siyang solusyong pulitikal para sa isa sa pangunahing problema ng bansa—ang pag-aalsa ng mga Moro sa sarili niyang rehiyon. Iisa lang ang kanyang malinaw na polisiya at ito ay ang giyera laban sa droga. Ngayon nga ay nasukol siya sa solusyong military at paghingi ng suporta sa US, na siyang gusto ng mga radikal na Islamist upang maging daan para gawing bahagi ang Mindanao ng pandaigdigang Islamic Caliphate.

Ang Taon nang Walang Pakundangang Pagpatay

Kung titingnan ang nangyari sa Marawi ay isang di-karaniwang pag-atras para sa lider mula sa Davao na naging madulas ang pagpapatupad sa kanyang planong pumatay ng libu-libong Pilipino. Nitong nakaraang taon lang muli nakaranas nang di-mapapantayang takot ang mga mamamayan simula noong panahon ng batas military sa ilalim ni Marcos. Di tulad ng ibang pulitiko, tinupad ni Duterte ang kanyang pangakong patatabain ang mga isda sa Manila Bay dahil sa mga bangkay na itatapon doon. Libu-libong gumagamit ng droga ang namatay sa operasyon ng mga pulis o sa kamay ng mga vigilante na nasa kontrol din ng pulisya. Inako ng mga pulis ang 2600 pinatay at sinabing ang 1400 ay kagagawan ng mga vigilante. Ayon sa ibang reliable o mapapagkatiwalaang sources, umabot na ang namatay sa higit 7000 nitong Mayo. Ang di mapapasubalian ay ang katotohanang si Duterte mismo ang lantarang nagtulak sa pagpapapatay sa mga biktima ng giyera sa droga nang walang ligal na proseso. Noong pa lamang gabi ng Hunyo 30, 2016, sa kanyang pagsumpa bilang president, sinabi niya sa isang komunidad ng mga uring manggagawa: “kung may kilala kayong addict, sige patayin ninyo dahil masakit para sa mga magulang nila na gawin ito.”

Noong Oktubre 2016, sinabi ni Duterte sa kanyang karaniwang siste ng pagsasalita na may halong masamang pagbibiro na kailangan pang pumatay ng dagdag na 20,000 hanggang 30,000 para malinis ang bansa ng droga. Dahil natuto na ang marami na seryosohin si Duterte, marami ang naniniwala na mahigit pa sa bilang na ito ang dapat asahan. Kamakailan ay sinabihan niya pa ang kapulisan na patatawarin niya ang mga maaakusahang pumatay ng mga gumagamit ng droga para mas mabilis mabalikan ng mga pulis ang nagsampa ng kaso sa kanila.

Ayon sa prominenteng pulitiko ng Thailand na si Kraisak Choonavan, sa rehiyon kung saan malakas na bumabalik ang awtoritaryanismo, pinakamapanganib ang nagaganap sa Pilipinas dahil ang lider nito ay nanalo sa isang eleksyon. Ang ibig nyang sabihin ay kahit mas mahusay o katanggap-tanggap ang demokrasya bilang sistemeng pampulitika, kapag nagkaroon ng pagkakamali dahil sa sistemang ito tulad nang pagkakahalal ng isang awtoritaryan, mas masahol pa ito kaysa sa pagkakalagay sa poder ng isang awtoritaryan sa pamamagitan ng kudeta. Katulad ni Hitler si Duterte; nagtamo rin si Hitler ng pinakamaraming boto noong 1932, kaya’t naluklok bilang Chancellor ng Germany. Nakuha naman ni Duterte ang 40 porsyento ng mga boto noong Mayo 9, 2016. Simula noon, agresibong ginamit ni Duterte ang napagwagiang kapangyarihan upang ibahin ang hugis o anyo ng pulitika sa bansa, ngunit ang pagbabagong-hugis na ito ay mas resulta ng matalas na pakikiramdam sa pulitika kaysa ng isang malinaw na plano.

Ang Gitnang Uri—ang Uring may Matinding Galit

Di maitatanggi na patuloy ang pagiging popular ni Duterte, 75 hanggang 83 porsyento pa rin ang antas ng kanyang popularidad o suporta ayon sa kamakailang surbey. Bagama’t galing ang suporta niya sa lahat ng uri ng populasyon, pinakamalakas pa rin ang suporta ng gitnang uri o middle class, kapwa iyong may aspirasyon na maging gitnang uri o mga kabilang sa patuloy na pababa ang pang-ekonomikong istatus. Isang magandang kaso ang Pilipinas para tingnan at pag-aralan ang pabagu-bagong middle class. May pagkakataong ang uring ito ay pwersa para sa demokrasya, tulad ng naging papel noong dekada ’80, kung saan naging malaki ang papel sa pagpapatalsik kay Marcos at sa iba pang awtoritaryan sa Timog ng mundo. May mga panahon ding nagsisilbi itong tagasuporta ng awtoritaryanismo, tulad noong panahon ni Hitler, at ngayon kay Duterte.

Ngunit hindi basta walang kibo ang base nito sa middle class. Simula pa lang ng panahon ng kampanya noong 2016, matindi na ang mobilisasyon ng mga ito upang mapanghawakan ang social media, gumamit din ang mga ito ng pinakamalalang klase ng cyber bullying sa mga kumakalaban sa mga polisiya ni Duterte. Halimbawa, kadedeklara pa lang ni Duterte ng batas militar sa Mindanao, isang prominenteng blogger na maka-Duterte ang nanawagan sa publiko na patayin ang dalawang mamamahayag na kababaihan. Isa pang panatiko ni Duterte ang nagsabi online na hangarin niya na magahasa si Senador Risa Hontiveros ng mga terorista sa Marawi. Ilan lamang ito sa patunay na di kumikilala sa rasyunal na diskurso o pangangatwiran ang mga tagasuporta ni Duterte. Ginagaya nila ang kanilang lider na mahilig sa mapangahas at mapanilab na pagsasalita. Ang angkop na tawag sa kanila ay ang termino mula sa French Revolution, enrages, o ang mga may matinding galit.

Dahil sa tingin ni Duterte ay isang ‘blangkong tseke’ ang ibinigay sa kanya ng pagiging popular upang gawin ang gusto niya upang “idepensa ang nasyon,” binaligtad niya ang proseso ng modelong likha ni Marcos. Dito ay pagapang ang pagdating ng pasismo; nauna ang paglabag sa mga karapatang sibil at pampulitika, sinundan ng pag-agaw ng ganap na kapangyarihan, at pagkatapos ay walang pakundangang paniniil o represyon. Samantala kay Duterte, nauna ang matinding represyon sa pamamagitan nang pagpapapatay ng libu-libong gumagamit ng droga, at ang paglabag sa mga karapatang pantao at pag-agaw sa ganap na kapangyarihan ay paglilinis na lang ng natitirang kalaban sa isang kalagayan kung saan napatahimik na ng takot ang anumang uri ng oposisyon. Matapos ideklara ang batas military sa Mindanao, patungo naman ngayon si Duterte sa susunod na yugto nang paghawak sa ganap o buong kapangyarihan, na kapapalooban ng pagkitil sa batayang karapatang pampulitika. Tulad ng kongkistador na si Cortez, sinunog na ni Duterte ang iniwang mga barko. Hindi na siya tatahak pabalik dito. Lumalabo na rin na bababa siya sa poder pagkatapos ng termino dahil sa mga kasong kakaharapin niya sa bansa at sa labas, lalo pa’t may kaso nang naisampa laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC). Ngunit ang mas nagtutulak sa kanya sa ganitong landas ay ang pinaniniwalaan niyang laki ng suporta, na mananatili kahit sa ilalim ng awtoritaryang paghahari niya.

Duterte: Katangi-tanging “Pharmacologist”

Ang giyera sa droga ang maituturing na natatanging programang tatak-Duterte. Hindi ito ordinaryong kampanya para sa kaayusan at pagpapatupad ng batas. Ipinatutupad ito nang may panatisismo na tila may ideolohiya at may katwiran, na magpapapaalala sa atin ng teorya ng mga Nazi tungkol sa lahi na nakabatay sa isang pekeng batayan sa siyensya. Isang buong sektor o grupo ng mga tao sa lipunan ang inalisang ng karapatang mabuhay, ng karapatan sa ligal na proseso, at pagiging mamamayan o miyembro ng lipunan. Hindi itinuturing ang mga gumagamit ng droga bilang mga tao dahil umano ang mga utak nila ay pinaliit na ng droga sa puntong di na nila dala ang kapasidad mag-isip at utusan ang sarili bilang tao. Sinabi mismo ito ni Duterte bilang paraan ng pagtatanggol sa pagpatay, na ang bilang resulta ng isang taon lang na paggamit ng shabu o metamphetamine hydrochloride, lillit na ang utak ng tao at di na kayang ayusin ng rehabilitasyon. Hindi lang natutulak ang mga ito na gumawa ng marahas na krimen para sa droga, paranoid din ang mga ito at maaaring tumutol sa pag-aresto sa kanila na maglalagay sa mga pulis sa panganib. Di sila isinasali ni Duterte sa sangkatauhan, katunayan sinabi niya: “Krimen laban sa tao o sangkatauhan? Una na, magiging prangka ako sa inyo: tao ba sila? Ano ba ang pakahulugan ninyo sa tao?”

Di iginagalang ng madugong kampanya ni Duterte ang napagkasunduan sa komunidad ng mga siyentipiko, tulad din nang pagbalewala ni Trump sa sinasabi ng mga siyentipiko tungkol sa climate change. Sa isang panayam sa awtor, sinabi ni Dr. Yao Ying Ma ng Binghamton University na isang kinikilalang neuroscientist sa larangan ng epekto ng droga, totoong binabago ng droga ang utak tao, hindi ito permanente at maaari pang magamot. Hindi lang ito isang teorya kundi napatunayan na sa mga pagsasaliksik sa laboratory. “May kakayanan ang utak na mabago, maiba ang hugis, maisaayos,” sabi niya. “Sa pamamagitan ng iba’t ibang paggagamot, maaring maibalik sa normal at malusod na kalagayan ang utak.” Ang focus ng therapy ay pigilan ang pagbalik sa paggamit muli ng droga, at dito mahalagang maharap ang dadanasin dahil sa withdrawal. Kapag di nalapatan ng lunas ang sakit mula sa withdrawal, ito ang magtutulak sa muling paggamit ng bawal na gamot. Marami nang hakbang na magagamit upang gamuting ang mga sintomas ng withdrawal. May mga bakuna na ring nagawa para harangin ang mga bahagi ng utak na magtutulak sa pagbalik sa droga.

Para sa mga psycho-stimulants tulad ng meth or shabu, ginagamit na ang electronic acupuncture o “peripheral electrical stimulation,” na makakatulong sa mga sintomas ng withdrawal tulad nang di pagtulog at sa ganitong paraan nababawasan ang tsansa nang paggamit muli ng droga. Para sa mga neuroscientist na tulad ni Ma, pangunahing hakbang ang paggamot ngunit mahalaga rin ang papel ng suportang panlipunan mula sa komunidad at gobyerno. Ang pagturing sa paggamit ng droga bilang krimen sa imbes na usapin ng pampublikong kalusugan ay pinakamalalang kalagayan para sa rehabilitasyon.

Ang kumplikadong usaping ito tungkol sa droga ay di tinatanggap ni Duterte. Naniniwala siya na siya ang eksperto pagdating sa droga na sa pagtantiya niya noong Mayo 2016 ay may 4 na milyong Pilipinong gumagamit; tumaas ito mula sa orihinal na estimasyon na 3 milyon. Ibig sabihin, kapag sinunod ang bilang ni Duterte, mahigit sa 4 na porsyento ng kabuuang populasyon ang gumagamit ng droga. Mismong ang tagapamuno ng Dangerous Drugs Board, isang ahensya ng pamahalaan at pinamumunuan ng isang ayado ni Duterte ay di tinanggap ang bilang na ito, na siyang naging dahilan para siya patalsikin sa pwesto. Ayon sa kanya 1.8 milyon ang bilang ng Pilipinong gumagamit ng bawa na gamot.

Pag-aalsa labas sa Liberal Democracy

Hindi na pinagtatalunan na kaya nanalo sa eleksyon di Duterte ay dahil sa pangako nyang magpapatupad ng malupit na mga hakbangin sa panahong laganap ang pangamba sa lahat ng sektor ng lipunan sa pagtaas ng bilang ng kriminalidad. Patunay ito nang pagiging bihasa niya sa pulitika dahil nagamit ang isang isyu na di gaanong pinapansin ng mga pulitiko. Ngunit may mas malalalim pang dahilan kung bakit siya nanalo. Isa na rito ang pagkawala ng tiwala ng mamamayan sa isang gobyernong liberal na siyang tatak ng mga gobyerno pagkatapos ng Pag-aalsa sa Edsa. Ang pagkabigo ng tinaguriang “EDSA Republic” ang nagbukas ng daan sa tagumpay ni Duterte.

Ang nagwasak sa proyektong pampulitika ng EDSA ay ang pamatay na kumbinasyon ng monopoly sa pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan mga elite, kasama na ang kontrol sa sistemang electoral, at ang pagbibigay prayoridad sa pagbabayad ng panlabas na utang na imposisyon ng US. Noong 2016 ay malalim na ang pagitan sa pangako ng EDSA Republic magkakaroon ng kapangyarihan ang mamamayan at ng redistribusyon ng yaman at ang reyalidad ng malawakang kahirapan at malaganap na korapsyon. Idagdag pa rito ang pagtingin na di naging mahusay ang naging pamamahala ni Benigno Aquino III at nang pagkakaroon niya ng double standard sa kanyang kampanya laban sa korapsyon. Hindi na nga nakakagulat ang dumadagundong na 16 milyong boto na natanggap ni Duterte na sa pananaw ng marami ay matapang at siga, at ang kanyang klase ng liderato na nagmula sa pagiging mayor ng Dagao ang kailangan ng bansa. Maihahalintulad sa sinabi ng nobelistang si Anthony Doerr tungkol sa kaisipan ng mga Aleman bago ang Ikalawang Giyeran Pandaigdig ang naging pag-iisip ng mga Filipino tungkol kay Duterte—na kailangan ng isang tao na magtatama sa mga mali. Maaaring patungo sa isang diktadurya ang Pilipinas ngunit ito ay popular at may suporta nang nagngangalit na gitnang uri.

Pekeng Populismo

Populista man sa pananalita si Duterte, ngunit sa gawa siya ay klasikong pasista. Hindi niya tunay na ginagamit ang suporta ng masa para pagpatupad ng mga reporma, kundi tulad ng isang klasik na pasista, binabalanse niya lang ibang ibang uri habang pinanatili ang imahe na siya ay nasa ibabaw o di sangkot sa mga tunggalian ng mga uri. Wala pang reyalidad ang mga pangako niya noong kampanya na tatapusin ang kontraktwal na paggawa, hihigpitan ang pagmiminia, ibabalik sa maliliit na magsasaka ng niyong ang mga nakulektang buwis, samantala ang mga nakaposisyon bilang alyado niya ay mga protector din ng elitistang interes. Tinutulan ng halos lahat ng mga organisasyon ng mga manggagawa ang utos ng Kalihim ng Paggawa na i-ban ang kontraktwalisasyon dahil ito ay kosmetikong solusyon na di pangmatagalan at malaliman ang epekto. Walang bagong lehislasyon para maipagpatuloy ang nabinbin na repormang agraryo, na di naman nakakagulat dahil ang Visayan bloc sa Mababang Kapulungan na binubuo ng mga panginoong maylupa ay mga solid na tagasuporta ni Duterte.

Ang isang mahalagang pagsukat kung seryoso ba o hindi si Duterte sa kanyang social agenda ay ang pagkumpirma sana kay Gina Lopez bilang Kalihim ng Kapaligiran; ipinasara ni Lopez ang 22 minahan, sinuspinde ang apat, at inutos na mag-ulat ang 77 pa dahil sa pagsira sa mga watershed, kagubatan, at mga pamayanan. Marami ang sumusuporta kay Lopez ngunit ang mga alyado ni Duterte na nangangalaga sa interes ng industriya ng pagmimina ay nangibabaw sa desisyon na huwag siyang kumpirmahin. Walang ginawa si Duterte para suportahan siya sa Konggreso, gayong isang simpleng pagtawag sa telepono sa kanyang mga alyado se lehislatura ay malai sana ang nagawa. Hindi man kasangkapan ng mga interes na ito si Duterte, at maaaring maraming mayayaman ang takot sa kanya, ngunit di niya maitatanggi na mahalaga ang pera para sa pagpapatupad ng kanyang pamahalaang awtoritaryan.

Ngunit kahit pa sabihing mahalaga na maipatupad ni Duterte ang mre repormang panlipunan at pang-ekonomiya para manatili ang suporta sa kanya sa pangmatagalan, wala pa ring epekto sa kanyang popularidad kung di man agad itong maipatupad.Tulad ng suporta kay Trump, ang suporta kay Duterte ay tila balong patuloy ang pagbulwak dahil ito ay galing sa mga taong malaon nang binigo at desperado. Patuloy ang pangingibabaw nang nagngangalit na ginang uri sa internet at matagumpay sila sa paglikha ng ilusyon na may nangyayaring pagbabago kahit sa totoo ay wala. Ang sinumang umiba ang pagtingin ay dilawan.

Pakitang-tao ang pagiging Sibilisado

Kahit pa epektibo ang makinarya sa propaganda ni Duterte, malaking pagkakamali kung sasabihin na dahil lang sa mga ‘troll’ o ‘internet keyboard warriors’ ang kanyang popularidad. Malaki ang pagsuporta sa giyera laban sa droga ni Duterte, at ito ang nakapagtataka para sa marami. Para sa pilosoper na si John Gray ang nangyayari ay “pagkawala ng mga di dapat nababagong katangian ng pagiging sibilisado sa isang iglap.” Dahil sa Pag-Aalsa sa EDSA noong 1986, tinagurian ang Pilipinas na modelo ng liberal democracy sa Asya; na ang pagpapatalsik kay Marcos ay pagpapatunay lang ng pagpapahalaga ng mga Filipino sa karapatang pantao, mga ligal na proseso, sa batas, at demokrasya na isinaisip at puso simula pa noong panahon ng pananakop ng Amerika sa bansa. Ngunit sa isang iglap, wala pang isang taon simula noong 2016, mayorya ng mga Filipino ay nagbigay ng malakas na suporta kahit sa extra-judicial killings o EJK at tinanggap na di maituturing na tao, kaya’t walang karapatang pantao, ang mga gumagamit ng droga. Hindi lang basta suporta kundi pagbubunyi pa sa madugong kampanya ni Duterte.

Marahil panahon na para iwaksi ang mga paniniwala na tayo ay sibilisado at may pagpapahalaga sa malasakit. Tanggapin natin ang sinabi ng historian na si Daniel Goldhagen sa mga estudyante ng lipunang Aleman noong panahon ng mga Nazi: “gumamit na lang ng kritikal na pagtingin bilang anthropologist sa mga bagong nagaganap, at maging bukas sa pagkilala at pag-intindi sa kakaibang kultura at gawi na hindi na maipapaliwanag ng common sense.” Na posible nga katanggap-tanggap para sa malaking bilang ng mga tao mula sa panggitnang uri at elite ang pagpatay sa kapwa sa ngalan ng batas at kaayusan.

Demoralisadong Oposisyon

Sa kasalukuyan, mahina ang oposisyon kay Duterte mula sa elite at mga institusyon, tulad ng Simbahang Katolika, na dati’y malakas na tagapagtanggolk ng karapatang pantao nungit ngayon ay mahina ang kredibilidad dahil na rin sa pagtutol sa family planning. Nabuwag din ang Partido Liberal na may kontrol sa kapangyarihan sa ilalim ng pamahalaang Aquino III dahil marami sa mga miyembro nito sa Mababang Kapulungan ay lumipat na sa kampo ni Duterte. Dating nasa oposisyon, ang tradisyunal na kaliwa ay alyado rin ni Duterte, at binigyan nito ng tatlong posisyon sa gabinete, alok na di natanggihan dahil na rin sa paghina ng kliusan nito nang mga nakaraang taon. Kahit na urong-sulong pa rin ang negosasyon sa pagitan ng Communist Party/New People’s Army at ng gobyerno, ang pagkakaroon ng mga kaliwang personalidad sa gabinete ni Duterte ay nagbibigay dito ng imaheng “progresibo” na pantakip sa mga polisiyang pasista.

Ang natitirang oposisyon ay galing sa hiwa-hiwalay na tao tulad ni Senador Leila de Lima, dating Kalihim ng Hustisya, na ipinakulong ni Duterte batay sa di-makatotohanang mga kaso na ito ay nasa payroll ng mga drug lord. May oposisyon pa rin mula sa midya, mula sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao tulad ng grupong iDefend, at mula sa mga bagong pormasyon ng kabataan tulad ng Block Marcos Movement na nabuo para tutulan ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Si Duterte at ang Militar

Ang isang institusyon na may kakayanang tutulan si Duterte ay ang militar. Alam ito ng pangulo, at para mapanatili sa pabor niya ang Armed Force of the Philippines o AFP, nilagay ni Duterte ang ilang dating heneral sa mahahalagang posisyon sa gabinete at walang pinalagpas na pagkakataon upang bumisita sa mga kampong militar sa buong bansa. Susi ang military sa adyenda ni Duterte na magdeklara ng batas military sa buong bansa. Ngunit maaari ring maging pinakamalaking balakid sa kanya ang militar.

Taliwas sa paningin ng marami, hindi masaya ang militar sa batas militar. Hindi dahil mapagmahal sila sa pamumunong sibilyan, ngunit dahil sa ilalim ng batas militar ay lagpas-lagpas sa kakayahan ng military ang mga pangangailangan sa pagpapatupad nito. Kaya nga isa sa may pinakamalakas na suporta sa Bangsa Moro Basic Law ang pamunuan ng AFP dahil sa solusyong pulitikal na maibibigay nito sa insureksyong ng mga Muslim na 50-taon nang nagaganap. Naudlot ang proyektong ito dahil sa kapalpakan nang nangyari sa Mamasapano noong Enero 2015. kung saan nabigo ang mga pulis na kubkubin ang teritoryo ng mga insurektos na aprubado ni Aquino at sinuportahan ng US. Hindi nagustuhan ng pamunuan ng AFP ang nangyaring ito.

May 220,000 lamang na puwersa, isa ang AFP sa may pinakamaliit na kasapian sa Timog-silangang Asya at wala ring sapat na kagamitan, dahil umasa lang sa mahabang panahon sa mga pamanang gamit at sandata mula sa US. Lumalagpas sa kakayahan nito ang Gawain sa panahon ng malalaking pag-aalsa o giyera, kaya’t ang naaabot lang madalas ay stalemate. Nakita ang kalagayang ito ng military kamakailan sa Marawi kung saan bigo pa itong magtagumpay sa kaaway na di lalagpas sa 100. Lalo pang malinaw ito sa pagkamatay ng mga sundalo dahil sa pagkakamali ng Philippine Air Force.

Kahit pa kasagsagan nang pakikipaglaban ng military sa Marawi, pinatawan pa ang militar ng dagdag na tungkulin kanilang commander-in-chief. Binigay sa kanila ang tungkulin ng kapulisan na pangalagaan ang seguridad ng buong Mindanao, bilang pagsasanay na sa pagdedeklara ng batas military sa buong bansa. Ayon nga sa ibang tagapagsuri, tila regalo ni Duterte sa New People’s Army at mga nag-aalsang Muslim ang ginawang ito ni Duterte dahil nalagay sa depensiba ang militar. Ang pinakatiyak na paraan para idemoralisa ang military ay pahinain ang kakayahan nito. Ang isang pulitikal na military na may kapangyarihan bilang pulis ay dapat ikatakot ng mamamayan. Ito rin ay pinagmumulan ng diskontento at rebelyon sa hanay ng mga sundalo, tulad nang nangyari sa panahon ni Marcos. Tingin ni Duterte sa sarili ay isa siyang heneral, ngunit sa kanyang ginagawa di malayong ibinubukas niya ang daan para sa kudeta. Tulad ni Marcos, iniisip ni Duterte na nakasakay siya at may kontrol sa tigre ngunit maaari siyang lamunin nito.

Ang Hamon sa Demokrasya

Para sa mga sumusuporta sa demokrasya, walang pagpipilian sa pagitan ng diktadurya sa ilalim ng president at diktadurya sa ilalim ng militar. Sa pagpasok ng ikalawang taon ng pamumuno ni Duterte nahaharap sa malaking hamon ang mga tagapagtanggol ng demokrasya: paano muli mapapatanggap ang demokrasya, karapatang pantao, ligal na proseso at pagpapatupad ng batas sa populasyong di na naniniwala rito. Matutulad sa pagpapakamatay kung pipiliing pamunuan ng mga dating personalidad na iniuugnay sa kaayusang EDSA. Mabuting tao si Bise-Presidente Leni Robredo at di matatawaran ang malinis na record ngunit di siya epektibong pinuno dahil likha lamang siya ng Partido Liberal at nananatili ang imaheng repormista tulad ng kanyang namatay na asawa. Wala ng kredibilidad ang mga Liberal dahil sa kanilang oportunismo at kawalan ng tapang sa panahong kailangan ito; di rin naman mapagkakatiwalaan si Senadotr Antonio Trillanes na di maitatago ang ambisyon sa pulitika. Tanging isang partido at programang kaliwa lamang ang may kakanayang pamunuan ang isang kilusang oposisyon, ngunit dahil patuloy ang pagkakaroon mga paksyon sa hanay nito at pagkakasangkot sa kompromisadong pakikipag-alyansa ng ilan sa mga ito, isang masugid na reporma ang kailangang pagdaanan ng mga kaliwa. Ngunit laging may pagkakataong dala ang krisis. Dapat pag-isipang mabuti ng mga progresibong Filipino ang sinabi ni Antonio Gramsci, na mula sa Italy at kaaway ng pasismo, noong dumaraan ang bayan niya sa isang kalagayan nang tulad ngayon sa Pilipinas: “Pesimismo ng pag-iisp, optimism ng loobin o kalooban.”

 

* Si Walden Bello ay kaslukuyang propesor sa State University of New York sa Binghamton. Siya ang kaisaisang nagbititiw sa pusisyon bilang diputado dahil sa prinsipyo sa buong kasaysayan ng Kongreso ng Pilipinas.

Editorial Board


Ramani Silva

Sonny Melencio

Ric Reyes

Ed Tadem

Luke Espiritu

Merck Maguddayao

Walden Bello

Kat Leuch

Ellecer 'Budit' Carlos

Aaron Pedrosa

Cover and layout artist

Zeus Agustin

Links

Partido Lakas ng Masa