Issue 3

July 2017

[ CLICK TO ENLARGE ]

Issue 3: July 2017

Pagdistrungka sa Federalismo ni Duterte

Feature Article on Duterte's Federalism

ANG FEDERALISMO ay isang pundasyon sa paghahari ng rehimen ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kasama ito sa programang iniharap niya noon pang panahon ng kampanya sa eleksyon.

Matagal nang obsesyon ni Duterte na itatag ang federalismo sa Pilipinas. Itinuturing niya itong solusyon sa tiraniya ng “Imperial Manila,” ang sentrong gobyernong nakabase sa Manila, na humahamig ng kita ng lahat ng rehiyon at ipinamamahagi lamang sa kapanalig nilang mga politiko.

Iginigiit ni Duterte na kailangan ang federalismo para lutasin ang gyera sa Mindanao. Kung hindi raw maipatutupad ang federalismo sa buong bansa, nais ni Duterte na ituloy ito kahit sa Mindanao. Ito raw ang makalulutas sa ilandaang taon ng rebelyong Moro na lumiligalig sa buong rehiyon at sa buong bansa.

Ipinagmamalaki ni Duterte na ang federalismo ay magkakalob ng mas malapad na demokrasya sa mamamayan, laluna sa mga probinsya labas ng Metro Manila, dahil may oportunidad na silang lumahok sa federal na estado o gobyerno.

Bago ang lahat, ano ba ang kaibhan ng federalismo sa unitary government na umiiral ngayon?

Ang federalismo ay isang anyo ng gobyerno kung saan ang mga estado (rehiyon o probinsya) ay nakikipaghati ng kapangyarihan sa pambansang gobyerno.

Kataliwas ito ng unitary government, gaya nang sa Pilipinas ngayon, kung saan may sentrong gobyerno (ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura) na pangunahing gumagawa at nagpapatupad ng batas; nagpapasya sa pagbubuwis, pangongolekta at pamamahagi ng kita ng gobyerno; at iba pa. Sa unitary government, ang sentro ang nagpapasya kung ano ang kapangyarihang ipagkakaloob sa mga lokal na yunit ng gobyerno.

Sa ilalim ng federalismo, magkakaroon ng mga autonomous na federal states na gagawa ng sariling batas, magpapatupad nito, at lilikom ng sariling kita at pondo na hindi na kailangang ipadala sa sentrong gobyerno.

May federalismo at federalismo

Maraming modelo ng federalismo sa daigdig. May di-kukulangin sa 29 na bansang may federal na sistema. Kabilang dito ang federalismo sa ilang tinatawag na developed capitalist economies gaya ng mga bansang US, Canada, Germany, at Australia; developing economies, gaya ng Malaysia, Brazil, at Mexico; at underdeveloped economies gaya ng Nigeria, Pakistan, Sudan, at Somalia.

Ang huli ay grupo ng mga bansang mas paurong o nahuhuli pa kaysa sa Pilipinas. Kaya hindi agad masasabing may angking katangian ang federalismo para paunlarin ang kabuhayan ng isang bansa. Nakabatay ang pag-unlad sa maraming salik at hindi lamang ito nakabatay sa tipo ng gobyerno, unitary man ito o federal.

Iba pa rin ang usapin ng presidential o parliamentary system ng gobyerno. Ang federal na sistema ay maaaring nakapailalim sa parliamentaryong sistema (Australia) o presidensyal na sistema (US). Ang kaibhan lamang nito ay nagmumula ang ehekutibo (ang prime minister, etc.) mula sa parliamento sa kaso ng sistemang parliamentaryo, at ganap na nakahiwalay naman ang ehekutibo sa parliamento o lehislatura sa kaso ng presidensiyal na sistema (kung saan direktang ibinoboto ang presidente, etc. sa pambansang halalan).

Porma at esensya ng gobyerno

Ang esensyal na usapin sa estado ay hindi ang porma o pamamaraan ng pamumuno na ipinatutupad nito. Ang esensyal na usapin ay ang makauring katangian ng estado. Ang estado ang organisadong kapangyarihan sa paghahari ng isang uri laban sa iba pang uri.

Kaya noong lumang sistemang pyudal o sinaunang sistemang alipin, ang sistema ng paghaharing monarkiya ang laganap. Sa kapitalismo, ang sistema ng republika ang umiral sa ilalim ng paghahari ng mga kapitalista at burgesya. Pero kahit ngayon, nanatili sa iba-ibang bansa sa ilalim ng kapitalismo ang modified na katangian ng monarkiya (constitutional monarchy sa UK at Australia, at absolute monarchy sa Saudi Arabia at UAE). Ang republika (itinuturing na kataliwas ng monarkiya) ay maaaring maging unitary o federal.

Ang modelo ng federalismo ni Duterte

Ang federalismo na nais isulong ngayon sa bansa ay isang anyo ng paghahari na nasa ilalim pa rin ng kontrol at dominasyon ng mga naghaharing uri sa bansa, anumang paksyon ang bumubuo nito. Nakaugat pa rin ito sa atrasadong kapitalistang sistema na binabansot ng mga imperyalistang korporasyon at kasapakat nilang kapitalista, asendero at mga trapong pwersa sa Pilipinas.

Ang federalismo ay isinusulong ng isang paksyon na nagnanais baguhin ang sistema ng paghahati ng kapangyarihan at yaman sa pagitan ng mga naghaharing uri sa bansa.

May kongkretong modelo ang federalismo na ikinakampanya ni Duterte at mga kapanalig niya. Kaya hindi na kailangang nakalutang ang ating mga talakayan at debate hinggil sa katangian ng federalismo. Sa mga pagpupulong na ipinatatawag ng DILG at PDP-Laban sa maraming lugar, lumitaw na ang modelong ito.

Mula ito sa federal na sistemang binalangkas sa ilalim ng Senate Joint Resolution No. 10 noong 2008. Pinamagatan itong “Joint Resolution to Convene Congress Into a Constituent Assembly for the Purpose of Revising the Constitution to Establish a Federal System of Government.” Nakasalig ang pagpapatupad ng federalismo sa pagtransporma sa Kongreso bilang isang Constituent Assembly (Con-Ass) na ipinanukala noon pang 2008. Prinsipal na awtor ng Joint Resolution si dating senador Nene Pimentel, pinuno ng PDP-Laban, ang partido ni Duterte.

Sinasabing ang modelo ng federalismo na ito ay nagmula sa konsultasyon sa mga lokal na pinuno ng gobyerno laluna sa Mindanao. Nakabilang na noon pa man si Duterte sa lumahok sa mga konsultasyong ito.

Isinalang din sa kasalukuyang Kamara at Senado ang mga panukala hinggil sa federalismo, na lalamanin ng mga pagbabago sa Konstitusyon (ChaCha) sa pamamagitan ng Constitutent Assembly (Con-Ass). Isa sa pinakadetalyadong panukala – na ang laman ay halos katulad din ng 2008 Senate Resolution No. 10 – ay ang Resolution of Both Houses No. 8 (RHB 8) na isinalang nina Pampanga Rep. Dong Gonzales, Jr (PDP-Laban) at ABS Partylist Rep Michael de Vera.

Pangunahing laman ng 2008 Joint Resolution

Ang sumusunod ang ilan sa mahahalagang laman ng federalismo alinsunod sa Joint Resolution:

  • Ibubungkos ang 18 rehiyon sa bansa sa ilalim ng 11 federal states, at isang federal administrative region (FAR) na ibabase sa Metro Manila. Sa huli din ibabase ang executive department (ang presidente at bise-presidente na manggagaling sa isang partido o koalisyon gaya nang sistema sa US).

  • May pambansang lehislatura pa rin sa ilalim ng federalismo. May Kamara (Lower House) at Senado, subalit ang jurisdiction nito ay doon lamang sa pambansang seguridad at depensa; deklarasyon ng gyera; foreign relations at ratipikasyon ng mga tratrado; federal currency; at mga gaya nito. Hindi kailangang ang pambansang lehislatura ay nakabase sa Manila. Sa Resolution, ibabase ito sa Tagbilaran City sa Central Visayas.

  • Ang federal states naman ay may kanya-kanyang lehislatura (ehekutibo at hudikatura). Bubuuin ito ng tatlong kinatawan sa bawat probinsya, munisipalidad, at syudad na sinasakop ng federal state. Magkakaroon din ng tatlong kinatawan mula sa mga sektor ng magsasaka, mangingisda, at senior citizens.

  • Ang lehislatura ng federal states ay magbubuo ng mga batas para sa kanilang mga constituent. Kabilang ditto ang mga batas sa paggawa, batas sa agrikultura at land use, at mga batas sa urban poor communities.

  • Ang executive power sa federal state ay hahawakan ng hinalal na state governor at vice-governor na magmumula sa isang partido o koalisyon.

  • Ang Sangguniang Kabataan (SK) sa mga barangay ay bubuwagin. Ihahalal na lamang ang isang kinatawan ng kabataan sa mga sangguniang panlalawigan (provincial council), sangguniang panlungsod (city council), sangguniang bayan (municipal council), at sangguniang barangay (barangay council).

  • Ang buwis na kinokolekta ng LGUs o ng iba-ibang ahensiya ng gobyerno ay hahatiin sa ganitong sistema: 20% ay mapupunta sa federal government (FAR) at 80% ay sa federal state. Sa mapupunta sa federal state, 30% ay sa federal state government at 70% ay paghahatian ng mga probinsiya, syudad, munisipalidad, at barangay.

Sa kabuuan, ang tatayong Federal Republic ng Pilipinas ay bubuuin ng sumusunod: federal states, ang Federal Administrative Region sa Metro Manila, ang autonomous regions (gaya ng State of Bangsamoro), at mga local government units sa probinsiya, syudad, munisipalidad, at barangay.

Ang tunay na katangian ng federalismo ni Duterte

Ang sistema ng federalismo ay sistema lamang ng paggogobyerno. Hindi ito ang esensya ng federalismong itatayo sa ilalim ng rehimen ni Duterte. Ang esensya ng federalismo ni Duterte ay ang tangkang pagdodomina ng isang paksyon ng naghaharing uri sa bansa.

Ang federalismo ni Duterte ay isang bigwas sa “Imperial Manila” na binubuo ng mga angkan ng oligarkiya na matagal nang komokontrol sa pambansang sentro ng estado.

Ang mga angkan na ito ang naghari mula pa noong pagkalooban ng huwad na kasarinlan ng imperyalismong US ang Pilipinas. Sila ang mga elitistang angkan (tinatawag ding “Old Rich”) o pinakamayayamang pamilya sa bansa na binubuo ng mga Quezon, Osmeña, Roxas, Lopez, Cojuangco, Aquino, at iba pa. Sila ang mga trapong tinangkilik at nagsilbi sa Oligarkiya ng mga Lopez, Zobel, Ayala, Aboitiz, at mga gaya nila.

Sila ang ang mga angkang naghari sa matagal na panahon sa bansa dahil na rin sa pakikipagkutsabahan nila sa mga kolonyal at imperyalistang pwersa na sumaklot sa bansa sa matagal na panahon – mula sa paghahari ng kolonyalistang Espanyol, ang kolonyalistang Estados Unidos, ang mananakop na Hapon, at ang muling pagbabalik ng imperyalistang Estados Unidos matapos ang Ikalawang Digmang Pandaigdig.

Sa ilalim ng neokolonyal na kaayusang itinindig nang ipagkaloob ang sinasabing kalayaan sa Pilipinas noong 1946, ang mga elitistang angkan na ito ang naging tagapagtaguyod ng neokolonyal na sistema sa bansa at naghalinhinan sa paghahari sa sentral na pwesto sa gobyerno.

Nang solohin ni Marcos ang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapataw ng diktadura mula 1972 hanggang sa pagbagsak nito noong 1986, nabuo ang bagong Oligarkiya na may basbas ng diktador. Ito ang mga cronies o kasapakat ni Marcos sa negosyo, gaya nina Lucio Tan, Henry Sy, Roberto Ongpin, Herminio Disini, Gilberto Duavit, Antonio Floirendo, Danding Cojuangco, at mga gaya nila.

Nang maupo si Cory Aquino noong 1986 sa bisa ng pag-aalsang Edsa, agad ibinalik sa kanikanilang negosyo ang dating oligarkiya. Nailipat muli sa kanila ang mga ari-arian at negosyong siniquester ni Marcos noong martial law. Pero dahil hindi naman nakasuhan ang mga cronies ni Marcos, nanumbalik din sila sa negosyo. Sa kalaunan, halos nagsanib na ang “dating oligarkiya” na naging target ng diktadura ni Marcos noong 1972 at ang “bagong oligarkiya” na binuo ng kanyang mga cronies.

Ito rin ang dahilan kung bakit nakapanumbalik sa iba’t ibang pwesto sa gobyerno ang angkan ng diktador na si Marcos.

Sa propaganda para sa federalismo, nauulit ang paggamit ng pagtuligsa sa oligarkiya na gaya nang ginawa ni Marcos para bigyang-katwiran ang pagpapataw ng martial law. Gayunman, nitong mga huling buwan, nagbago na ng tono si Duterte at inimbita na sa Malakanyang ang mga kapitan ng industriya na tinutukoy niyang nabibilang sa oligarkiya.

Kamakailan, ang mga akto o kawalang-akto ni Duterte para suportahan ang appointment ni Gina Lopez bilang kalihim ng DENR, ang paghirang kay dating AFP chief Roy Cimatu bilang kapalit ni Lopez, at ang paghirang kay AFP chief Eduardo Año bilang kalihim ng DILG ay ilan lamang sa mga patunay na yumuyukod na si Duterte sa interes ng oligarkiya, laluna ng mga mining lords, at ng mga kapwa niya trapo.

Ito rin ang dahilan kung bakit biglang sumigabo ang depeksyon ng mga lider ng Liberal Party sa ruling party ng rehimen. Nadarama nila na wala namang pinagkaiba ang rehimeng Duterte sa mga nagdaan pa, at babalik ang maliligayang araw ng mga trapo, galing man sa tinatawag na Dilawan (Liberal Party) o hindi, kapag luminya lamang sila sa panig ng pangulo.

Ang paksyon ni Duterte at ang warlordismo

Ang paksyon ng naghaharing uri na kinakatawan ni Duterte ay nakapundar sa mga lokal na politiko at dinastiya na nasa gilid-gilid ng tinatawag nilang Imperial Manila. Ang base ng suporta ni Duterte ay mga trapo ring nakakalat sa mga probinsiya at rehiyon.

Kinakatawan ng paksyon ni Duterte ang phenomenon ng warlordismo sa Pilipinas. Ito ang paraan ng paghahari na gumagamit ng sukdulang karahasan – kabilang ang pagbubuo ng private army at death squad – para isulong ang sariling ambisyon. Ito ay matagal nang umiiral sa iba’t ibang lugar, gaya ng Davao (sa ilalim ng mga Duterte), Isabela (ang mga Dy), Escalante (mga Yap), Ilocos (mga Fariñas at Marcos), Maguindanao (mga Ampatuan), at iba pa. Ang warlordismo ay nakapundar sa makasarili at authoritarian na paraan ng paghahari, at sa gayo’y madaling dumausdos sa pagwasak sa anumang anyo ng liberal na demokratikong proseso.

Ang phenomenon ng warlordismo sa bansa ay iniluluwal ng isang sistemang pinanday ng kolonyal at pyudal na kasaysayan kung saan ang naghaharing uri ay silang tumatanggap ng biyaya sa kolonyal na administrasyon. Inari nila ang malalawak na lupain at sa batayan nito ay naging mga political clan na naghari-harian sa kanilang mga lugar.

Ang paghaharing ito, na hindi nakabatay sa merito o anumang liberal na demokratikong proseso, ang salalayan ng warlordismo sa maraming lugar sa Pilipinas. Pinatutunayan din nito na ang pambansang estado (nation-state) sa Pilipinas ay mahina, at kinokontrol ng oligarkiya at mga political clan na walang pakialam sa mga probinsya at rehiyon hanggat nasa kanila ang kapangyarihang mamamahagi ng mga dinadambong sa pamahalaan.

Ito ang paksyong nagnanais na baliktarin ang paghahari ng Imperial Manila sa pamamagitan ng pagtatayo ng federal system na may parliamentaryo o magkahalong presidential at parliamentaryo na gobyerno (o anuman sa kombinasyong ito). At para mangyari ito, kailangang baguhin ang Konstitusyon. Nagkakaisa ngayon ang mga kapanalig ni Duterte na ideklara ang kanilang sarili bilang Con-Ass para isulong ang Charter Change (Cha-Cha). Ang pamamaraang ito ay idineklara na ni House Speaker Pantaleon Alvarez na tatapusin sa loob ng anim na buwan pagkatapos ng pagbubukas muli ng Kongreso ngayong Mayo.

Kritik sa Federalismo ni Duterte

Sa pangunahin, may pitong usapin na iikutan ng ating kritik sa federalismo ni Duterte. Ito ang mga sumusunod:

Una, mga political dynasty o naghaharing angkan ang makikinabang sa federalismo ni Duterte. Dahil federalismo ito na hindi binabaklas ang political dynasty sa bansa, kahit may constitutional prohibition na sa dynasty, ipagkakaloob lang nito ang mga federal states sa mga angkan ng dinastiya, sa mga warlord at lokal na trapo.

Sa Northern Luzon, makikinabang pa rin ang mga Marcos, Crisologo, Singson, at Fariñas. Sa Central Luzon, ang mga Cojuangco, Arroyo, Umali, Joson, at iba pa. Sa Southern Tagalog, ang mga Remulla, Revilla, Laurel, Recto, at Alcala. Gayundin sa halos lahat ng maitatayong federal states.

Hindi kataka-taka na ang masugid na tagasuporta sa federalismo ni Duterte ay mga lokal na trapo, laluna ang mga warlord, sa mga probinsya at rehiyon.

“Karera pababa”

Ikalawa, sa ilalim ng federalismo ng dynasty at mga trapo na gagawa ng sariling mga batas sa kanilang nasasakupan, malamang na magkarera pababa ang mga federal states pagdating sa mga benepisyong tinatanggap ng mahihirap.

Para itong pagbubuo ng Regional Wage Boards na siya ngayong nagtatakda ng minimum wage sa mga probinsya. Nagbunga ito ng karera pababa ng sahod. Sa Metro Manila, ang daily minimum wage ay P491; sa Central Luzon, P364; sa Cebu, P353; sa Leyte at Samar, P285.

Pati mga batas para sa mahihirap na naipaglaban sa pambansang antas ay malamang maglaho rin. Anong mangyayari sa pamamahagi ng lupa sa mga magsaka, sa batas sa urban poor communities na “no demolition without relocation” – kung ang mamumuno sa federal states ay mga kapitalista, asendero, at real estate magnates?

Magiging mahirap din ang solidaridad ng manggagawa at mahihirap sa pambansang saklaw dahil iba-iba ang mga batas na patungkol sa kanila.

Paglaki ng full-time na burukrasya

Ikatlo, sa federalismo ni Duterte, lalaki ang full-time na burukrasya sa tuktok ng estado. Mananatili ang lokal na gobyerno sa syudad, munisipalidad at probinsiya. Pero lolobo ang burukrasya ng lehislatura, kabilang na ang mga gastos nito. Isa sa dahilan ng paglobo ang pagbubuo ng lehislatura ng federal state kung saan may 3 kinatawan sa bawat probinsya, munisipalidad at syudad na sinasakop nito, at may 3 di mula sa mga sektor ng magsasaka, mangingisda, at senior citizens.

Mayroon tayong 81 probinsiya, 145 na syudad, at 1,489 na mga munisipalidad. Kaya ang burukrasya sa federalismo ay lolobo pa ng 5,145. Idagdag pa ang 3 sektoral na kinatawan bawat federal states (33). Ito’y magiging 5,178.

Lalaki rin ang Kongreso. Ang 297 na kinatawan ngayon sa Kamara ay magiging 350, at ang 24 sa Senado ay magiging 75.

Panibagong gastos

Ikaapat, dahil sa paglaki ng full-time na burukrasya sa tuktok, lalaki din ang gastos ng gobyerno sa kabuuan. Ang tinatayang per diem at travel allowance ng bawat kinatawan sa federal na makinarya ay mula P55,000 hanggang P90,000 bawat sesyon. Gagastos ng mula P285-P466 milyon bawat sesyon ng 11 federal states at 1 administrative region. Kung isang sesyon lang bawat buwan, kailangan ng badyet na hindi bababa sa P3.4-P5.6 bilyon kada taon!

Hindi pa kasama ang gastos ng pinalaking Kamara at Senado. At ang mananatiling burukrasya sa ehekutibo, mula pambansa hanggang Sangguniang Panlalawigan, Sangguniang Panlungsod, at Sangguniang Bayan.

Panukalang buwagin ang grassroots participation sa gobyerno

Ikalima, sa halip na palawakin ang partisipasyon ng masa sa grassroots, unti-unting bubuwagin pa ito para ipalit ang burukrasya sa tuktok. Pinopropaganda sa federalismo ni Duterte na lalaki raw ang partisipasyon ng marginalized sectors dahil may 3 sektoral na kinatawan ang bawat federal state na kakatawan sa magsasaka, mangingisda, at senior citizens. Pero kahit sa mga nominadong kinatawan, ang federal state governor pa rin ang hihirang.

Ang paglaki ng burukrasya sa tuktok ay tinatapatan din ng pagkakampanya ng mga kapanalig ni Pangulong Duterte na buwagin na ang barangay council. Dito nagiging kaduda-duda ang propaganda na ang federalismo daw ay magpapalawak ng demokrasya.

Kung tutuusin, ang 42,036 barangay councils (isama pa ang mga Sangguniang Kabatan) ang pinakasimbolo ng grassroots democracy sa bansa. Naririto ang istruktura ng malawakang partisipasyon ng masa sa gobyerno, bagamat sa maraming pagkakataon, ang mga kapitan ng barangay ay patakbo rin ng mga mayor at governor sa maraming lugar.

Pero kung ipatutupad ang probisyon ng Local Government Code sa barangay assembly, mas masisiguro ang malawak at direktang demokrasya. Ang barangay assembly ay binubuo ng lahat ng residente na may edad 15 taon pataas. Ang assembly ay isang pagkakataon at makinarya para pagdebatihan at desisyunan ng marami ang mga programa sa barangay.

Kung nais ng rehimeng Duterte na palawakin ang partisipasyon ng masa sa gobyerno, ang regular na pagpapatawag ng tunay na barangay assembly (hindi kunwa-kunwari o pagtitipon lamang ng ilang kapanalig ng kapitan) ang sagot sa grassroots democracy.

Saan kukuha ng pondo ang mahihirap na estado?

Ikaanim, hindi maliwanag sa federalismo ni Duterte kung paano mapopondohan ang programang pangkaunlaran ng mahihirap na federal states. Kung hahayaan ang federal states na magplano ng development program sang-ayon sa sariling koleksyon ng buwis at kita, makikinabang lamang ang ilang mayayamang rehiyon gaya ng NCR, Central Visayas, Calabarzon, Western Visayas, at Central Luzon,

Pero magkakaroon ng problema ang maraming federal states na bubuuin ng mahihirap na rehiyon gaya ng Bangsamoro o ARMM, Cordillera, Mimaropa, mga rehiyon sa Mindanao, at iba pa.

Sa ilalim ng gobyernong unitary, obligasyon ng sentro na tulungan ang mahihirap na rehiyon at probinsya. Kung wala ang panlalamang at pandarambong ng mga trapo, ang nakokolektang pondo (pati mga inutang) ng sentrong gobyerno ay maaaring hatiin nang may pagtangkilik sa mahihirap na rehiyon.

Totoong mahirap itong mangyari sa ilalim ng kapitalismo dahil walang pantay na economic plan at sariling interes lamang ng naghaharing uri ang nasusunod. Ang tunay na unitary government, kung gayon, na siyamg magkakaloob ng pantay na kaunlaran sa bawat rehiyon ay magaganap lamang sa sosyalismo.

Ang Moro insurgency

Ikapito, hindi tahasang malulutas ng federalismo ni Duterte ang pag-aalsang Moro. Sa kongretong disenyo ng federalismo, ilalatag din sa kamay ng mga dinastiya, warlord at trapong politiko sa Mindano (Moro o hindi-Moro) ang kapangyarihan sa federal states. Ang mga angkan pa rin ng Ampatuan, Mangudadatu, Alonto, Lucman, Antonino, Lobregat, Zubiri, at iba pa ang makikinabang.

Kung mag-iitsura lamang na ARMM ang Bangsamoro federal state, tiyak na mananatili o puputok nang mas mabangis ang pag-aalsang Moro.

Kaya kahit walang federalismo ay dapat bigyan ng mas malawak na otonomiya ang BangsaMoro gaya nang sinikap gawin sa BBL o BangsaMoro Basic Law. Magiging makabuluhan ang otonomiya sa mismong paglahok ng mamamayang Moro sa gobyerno – hindi ng ilan lamang nilang kinatawan na malapit sa sentro.

May malalim ding kadahilanan ang panawagan sa full autonomy (hanggang paghiwalay) ng BangsaMoro batay sa historikal na pagsasamantala at pang-aapi sa kanila. Wala naman ganitong batayan sa iba pang rehiyon sa Pilipinas.

Sa madaling sabi, may espesyal na dahilan kung bakit kailangan ang mas malawak na otonomiya sa BangsaMoro kumpara sa iba pang autonomous states kahit sa ilalim ng federalismo.

Ang Pakana ng ChaCha

Magkadugtong ang kampanya laban sa federalismo ni Duterte sa kampanya laban sa Chacha (Charter Change). Magaganap lamang ang federalismo kung mababago ang Konstitusyon.

Sinasabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ang Kongreso ay itratransporma na bilang Constituent Assembly (Con-Ass) sa loob ng anim na buwan. Naglabas na rin si Duterte ng Executive Order na nagbubuo ng 25-kataong komisyon na magbabalangkas ng mga pagbabago sa Konstitusyon na isasalang sa Con-Ass.

ChaCha para sa ganap na liberalisasyon ng ekonomiya

Ang maraming panukala ng Kamara at Senado hinggil sa ChaCha ay hindi lamang para sa federalismo, kundi para sa pagtatanggal o pag-amyenda ng protectionist economic provisions (tinatawag nilang “restrictive”) ng Konstitusyon, gaya ng Artikulo 12, 14 at 16. Ito ay pumapatungkol sa pagbabawal sa mga dayuhan na magmay-ari ng mga lupain sa Pilipinas at nagtatakda ng 60-40 equity limitation sa foreign investments. Ang ibig sabihin ng huli, 60% ng puhunan ng mga korporasyon sa public utilities, minahan, at iba pa ay dapat nasa kamay ng mga Pilipino.

Ang ChaCha ay para sa ganap na pagbabago ng Konstitusyon. Sa gayon, anumang pagbubukas nito ay mangangahulugan na maaaring distrungkahin ang lahat ng probisyon nito at pahinain o kaya’y tanggalin ang natitirang progresibong mga probisyon ng Konstitusyon. Hindi lamang ito mga probisyong pang-ekonomiya kundi mga probisyon halimbawa sa limitasyon ng deklarasyon ng martial law at pagpapahaba ng termino ng paghahari. Sa madaling sabi, ang ChaCha ay isang ganap na pagbubukas ng Konstitusyon para sa pagbabagong nais gawin doon ng paksyong Duterte.

Ilantad ang federalismo ni Duterte

Kailangan nating ilantad ang tunay na nilalaman ng federalismo at ChaCha ni Duterte. Mahalaga ito sapagkat sa ngayon ay umaani pa ng malaking suporta ang rehimen ni Duterte mula sa masang manggagawa at maralita dahil sa mga pahayag nito na populista.

Sa federalismo, ang maaaring lundo ng paglalantad ay sa islogan ng “Walang tunay na federalismo hanggang may dinastiya.” Ito ang pangunahing problema sa federalismo ngayon at paglalantad ito ng paksyon ni Duterte na binubuo ng mga trapo, warlord at dinastiyang pampulitika.

Ang kampanya laban sa ChaCha ay maaaring isulong sa pamamagitan naman ng pagkakampanya sa alternatibang ChaCha. Una, upang ilantad din ang katangian at kahinaan ng kasalukuyang Konstitusyon at iharap ang mga pagbabagong kagyat na tutugon sa pangangailangan ng masa. Ikalawa, upang ihiwalay ang ating sarili sa mga pwersang elitista (Dilawan, atbp.) na nagtatanggol sa Konstitusyong 1987 sa kabila ng mga limitasyon at kahinaan nito.

Kailangang pagkaisahin ang ating hanay at ang ating baseng masa sa mga paninindigang inilahad dito kaugnay ng federalismo at ChaCha. Kailangang ihanda ang ating pwersa sa puspusang kampanya laban dito.

Mangangailangan ng pagbubuo ng mga alyansang makatutulong sa pagsusulong ng kampanyang laban sa federalismo at ChaCha.

 

* Si Sonny Melencio ay tagapangulo ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Sinulat ang artikulong ito bilang panawagan sa mga pwersa ng PLM at mga kapanalig nito na maghanda sa kampanyang naglalantad sa tunay na nilalaman ng federalismo ni Duterte.

Editorial Board


Ramani Silva

Sonny Melencio

Ric Reyes

Ed Tadem

Luke Espiritu

Merck Maguddayao

Walden Bello

Kat Leuch

Ellecer 'Budit' Carlos

Aaron Pedrosa

Cover and layout artist

Zeus Agustin

Links

Partido Lakas ng Masa