Issue 2

June 2017

[ CLICK TO ENLARGE ]

Issue 2: June 2017

Wakasan ang Martial Law sa Mindanao

IDINEKLARA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao sa pamamagitan ng Proklamasyon 216 na inilabas nang siya ay nasa Rusya pa noong May 23, 2017.

Mula noon, higit 200 na ang patay sa Marawi, kabilang ang 45 mula sa Philippine Army, Marines at Philippine National Police. Dumarami pa ang sibilyang namamatay dahil sa patuloy na pambobomba ng mga helikopter ng militar.

Noong Mayo 31, nasawi rin ang 11 sundalo sa “friendly fire” o sa sariling mga bomba galing sa kanilang mga kasamahan.

Higit 200,000 residente naman ang lumikas palabas sa syudad (halos 90% na ito ng populasyon). Nakakalat ang evacuees sa Iligan City, Cagayan de Oro, at mga kanugnog na bayan at syudad ng Marawi.

Idineklara ang martial law dahil daw sa pag-atake ng Maute Group, isang grupo ng Moro na tinatawag ding Islamic State of Lanao (ISL). Sinasabing kabilang ito sa teroristang grupong ISIS (Islamic State of Iraq and Syria).

Pero nagsimula ang atake noong Mayo 23 nang tugisin ng mga sundalo at pulis ang lider ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon sa isang ospital sa Marawi. (May patong sa ulo si Hapilon na 5 milyong dolyar mula sa US army.) Tumawag ng suporta ang Abu Sayyaf sa Maute Group at pagdating ng huli, pumutok ang barilan, panununog, at pagtitirik ng checkpoints ng Maute Group sa Marawi City.

Bakit martial law sa buong Mindanao?

Marami nang grupo ang nagsampa ng protesta sa Supreme Court kaugnay ng deklarasyon ng martial law. Kabilang dito ang petisyon ng oposisyon sa Kongreso na pinangunahan nina Congressman Edcel Lagman at Congressman Teddy Baguilat. Sinundan ito ng petisyon ng grupo ng mga aktibistang partylist sa Kongreso gaya ng Gabriela, ACT Teachers, at Kabataan partylist. Ang ikatlong petisyon naman ay galing sa apat na kababaihang Moro sa Marawi.

Sa ilalim ng Konstitusyon, ang martial law ay magtatagal lamang ng 60 araw. Mula Mayo 23, ito ay dapat matapos sa July 21. Sa loob ng panahong ito, anumang petisyon laban sa martial law ay dapat desisyunan ng Korte Suprema sa loob ng 30 araw.

Sang-ayon sa mga petisyon, hindi kailangan at labag sa konstitusyon ang deklarasyon ng martial law sa buong Mindanao. Kung tutuusin, “overkill” ang deklarasyon. Una, kahit si Defense Secretary Delfin Lorenzana at ang Armed Forces of the Philippines ay naunang nagpahayag na ang teroristang pag-atake ay sa Marawi lamang. Ikalawa, ang Maute ay lokal na teroristang grupo. At ikatlo, noon pa lamang gabi ng Mayo 23 ay kontrolado na ng AFP ang sitwasyon. Sa bibig mismo ng military, maliwanag na hindi na kailangang magdeklara ng martial law para lamang tugisin ang mga terorista sa Marawi.

Pagkabigo ng peace talks

Sa pinakabuod, ang deklarasyon ng martial law ay patunay lamang na bigo ang gobyernong Duterte na lutasin ang gyera sa Mindanao sa pamamagitan ng peace process na binuksan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa matagal na panahon.

Sa bawat pagkawasak ng peace talks sa Moro National Liberation Front (MNLF), ang naunang national liberation front sa Mindanao, at sa MILF, dumarami rin ang grupong humihiwalay at nagpapatuloy sa panawagan ng sesesyon o pagtiwalag sa bansang Pilipinas.

Ang Maute Group, ang Abu Sayyaf, ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at ang iba pang teroristang grupo sa Mindanao ay dating kabilang sa MNLF at MILF. Nagsimula silang mawalan ng tiwala sa paulit-ulit na pagkawasak ng peace talks, at isa-isang nagpasyang humiwalay sa MNLF o MILF.

Ang Abu Sayyaf ay isang split sa MNLF noong 1991. Ang BIFF ay split sa MILF noong 2008 at Maute Group ay humiwalay dito noong 2013. Ang mga humiwalay na ito ay nagpahayag ng suporta sa mga teroristang grupo sa labas ng bansa, gaya ng Al Qaeda, ISIL (Islamic State of Iraq and the Levant), ISIS (Islamic State of Iraq and Syria), at Jemaah Islamiya (Indonesian-based).

Sa paglipas ng panahon, marami dito ay naging mga bandidong grupo na lamang.

Hindi solusyon ang martial law

Hindi solusyon ang martial law sa gyera sa Mindanao. Bukod sa ito ay umuubos lamang ng maraming buhay (parehong mga terorista, sibilyan, sundalo o pulis), at sumisira ng mga tahanan, gusali at kapaligiran – ang gyera sa Mindanao ay ginagastusan ng bilyun-bilyong salapi na nagmumula sa buwis ng mamamayan. Umabot na sa halos 3 trilyong piso ang gastos sa gyera sa Mindanao mula 1970 hanggang ngayon. Ang mga salaping ito ay dapat sanang nakalaan sa badyet sa serbisyong publiko gaya ng kalusugan, pabahay at edukasyon.

Ipinapamalas din ng martial law ang tuluy-tuloy na pag-Kanan ng gobyernong Duterte. Nagsimula na ito nang hindi ipagtanggol ng gobyerno si DENR secretary Gina Lopez sa kanyang pwesto dahil sa lobby ng mga mining capitalists na ang ilan ay nasa gobyerno rin, gaya ni finance secretary Sonny Dominguez. Halos militarisado na ang Gabinete ni Duterte dahil sa patuloy na paghirang ng mga heneral at ex-general sa mga susing pwesto.

Muling panghihimasok ng United States army

Kamakailan, nagpahayag ang US na lumalahok at nagkakaloob ito ng military assistance sa pagtugis sa mga terorista sa Marawi dahil sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas. Isang sampal ito kay Pangulong Duterte na lagi nang nagbabanta na papawiin ang US military presence sa Mindanao.

Naglinaw agad si Duterte na hindi niya alam ang ginagawang pakikialam ng US military sa Marawi at sinabing si Defense Secretary Lorenzana ang nagpapasok sa kanila. Lumalabas na direktang nakikipag-ugnayan kay Lorenzana at sa AFP ang US military.

Alam man o hindi ni Duterte ang panghihimasok ng US, hindi gumawa ng anumang hakbang ang pangulo para itigil ito. Ipinaliwanag lamang niya na dahil si Lorenzana ang itinalaga niyang “administrador” ng martial law, maaari na nitong desisyunan ang pagpasok ng US military sa Marawi.

Sino ang may kontrol sa kontra-terorismong operasyon

Kapansin-pansin na laging nakakontra si Lorenzana at ang AFP sa mga pahayag ni Duterte sa Mindanao, gaya nang nabanggit sa unahan ng artikulo.

Bagamat si Duterte ang nasunod sa deklarasyon ng martial law – na hindi sinang-ayunan ni Lorenzana sa mga nauna nitong pahayag – nag-iba ang ihip ng hangin nang maganap ang Resorts World casino attack noong June 2. Sa pag-atake ng nag-iisang gunman, 38 ang namatay sa suffocation sa usok na likha ng sunog na ginawa nito sa casino.

Nang sinabi ng ISIS sa kanilang website na ang pag-atake sa casino ay gawa ng kanilang “lone wolf”, maaari na sanang nagdeklara si Duterte ng martial law sa buong bansa, gaya nang matagal na niyang banta. Subalit halos dalawang araw na nanahimik ang pangulo bago niya ipinahayag ang linya ng PNP na ang pag-atake ay ginawa ng isang may kapansanan sa utak at isang robbery case lamang sa casino.

Senyales ito ng maaaring presyur ng militar kay Duterte na huwag lalong i-destabilize ang kalagayan ng bansa. Bago ito, lantarang umatake na rin ang dating-pangulo Fidel Ramos sa deklarasyon ng martial law ni Duterte.

Marami ang nagsasabi na ang pinakamahinang kawing (weakest link) sa rehimeng Duterte ay ang AFP. Maaaring halos tau-tauhan ni Duterte ang buong Kongreso at ang PNP, pero ang AFP ay isang institusyong hindi ganap na nakalinya sa naisin ni Duterte, lalo na sa usapin ng pagbitiw ng relasyon sa US at pagbubukas ng alyansa sa Rusya at China.

Ang loyalty ng AFP, sa matagal na panahon, ay sa pagpapanatili ng relasyon sa US at sa US military. Marami sa mga heneral nito ay sinanay at nag-gradweyt sa US military academy sa West Point.

Pagtigil ng peace talks

Isa pa sa pagkakaiba ng posisyon ng pangulo at ni Lorenzana ay ang pagpapatuloy ng peace talks sa nCommunist Party of the Philippines-National Democratic Front-New People’s Army (CPP-NDF-NPA). Matagal nang sinasabi ni Lorenzana at ng AFP na target din ng martial law ang mga grupong ito.

Nang ipag-utos ni Duterte na itigil ang 5th round ng peace talks sa CPP-NDF sa Netherlands, at bantaan na huhulihin ang NDF peace panel kapag bumalik ito sa Pilipinas – isang hudyat naman ito ng intensyon ng gobyerno na bitiwan na ang peace negotiations.

Nagbago ang ihip ng hangin nang alukin ni Duterte ang NPA (at ang MNLF) na sumama na sa pagtugis sa Maute Group sa Marawi. Nang pumayag naman ang dalawang grupo, agad nabaliktad ang pangyayari. Dahil sa presyur ng militar, tinanggihan ni Duterte ang pag-ayon ng dalawang grupo sa sarili niyang alok!

Lumalabas na mapagpasya ang magiging posisyon ng AFP kung mananatili o hindi ang peace talks sa mga rebolusyonaryong grupo.

Panawagan ng PLM

  • Sa gitna ng nakababahalang mga pangyayari, naglabas ng pahayag ang Partido Lakas ng Masa (PLM) na binubuo ng sumusunod:

  • Panawagan ng pagkakaisa ng lahat ng Kaliwa, progresibo at demokratikong pwersa laban sa deklarasyon ng martial law. Ani PLM, “Wala na tayong aasahan sa Kongreso dahil suportado nila ang martial law at ni ayaw magpatawag ng review nito. Ganap na silang nagpapatuta sa lahat ng naisin ni Duterte.” Dagdag pa nito, “Ang pagkakaisa ay dapat ding ituon sa pagbigo sa anumang pagtatangka ni Duterte na palawakin pa ang martial law sa buong kapuluan.”

  • Kagyat na itigil ang pambobomba sa Marawi at bigyan ng suporta ang lahat ng mamamayan doon na makabalik at maitatag na muli ang kanilang kabuhayan sa lugar.

  • Ganap na itigil ang pakikialam ng US military sa gyera sa Mindanao.

  • Ipagpatuloy ang nakabimbing peace talks at negotiations sa MILF at sa CPP-NDF-NPA.

June 12, 2017

Editorial Board


Ramani Silva

Sonny Melencio

Ric Reyes

Ed Tadem

Luke Espiritu

Merck Maguddayao

Walden Bello

Kat Leuch

Ellecer 'Budit' Carlos

Aaron Pedrosa

Cover and layout artist

Zeus Agustin

Links

Partido Lakas ng Masa