Issue 1

February 2017

[ CLICK TO ENLARGE ]

Issue 1: February 2017

Patay na ang Burgis na Reporma sa Lupa! Mabuhay ang Sosyalistang Reporma sa Lupa!

Pormal na nagwakas noong Hunyo 2014 ang batas ng gubyerno sa reporma sa lupa – ang Comprehensive Agrarian Reform Program  ( CARP ) matapos ang unang 20 taon ng implementasyon at huling 5 taon ng extension sa ilalim ng CARP Extension with Reforms  ( CARPER ).

Nagkamit ng lupang sinasaka ang mahigit 3 milyong magbubukid  ( 1 )  sa karamihaý  mga lupaing  nasa ilalim ng mga tradisyunal o malapyudal na sistema  at ilang tampok na hacienda sa Negros at plantasyon sa Mindanao at ang Hacienda Luisita na may kapitalistang katangian. Ito’y nakamit ng organisadong magbubukid at manggagawang bukid matapos ang mahaba at mahirap na pakikibakang legal at metalegal na pinagbuwisan ng buhay.

Subalit  nagwakas ang batas na ito nang hindi mapagpasyang nalansag sa buong kapuluan ang pribadong kontrol sa lupaing agrikultural ng mga panginoong maylupang may tradisyunal at/o  kapitalistang katangian at mga kapitalista sa agribusiness at real estate.   Sa mga nagkamit ng maliliit na saka, walang katiyakan ang kinabukasan dahil sa impak ng walang tigil na liberalisasyon, at agresibong landgrabbing ng mga kapitalista sa agribusiness at real estate,  bukod pa sa pananalasa ng mga superbagyo at tagtuyot  dulot ng pagbabago sa klima.

Napakalaki ng lupaing agrikultural na hindi nagalaw ng CARP/CARPER. Inamin ng DAR na hindi nasaklaw ng CARPER ang may 700, 000 ektarya  at hindi na ito nagpaliwanag sa  pagkawala sa implementasyon ng may 1 milyong ektarya pa.  Dagdag dito ang daan-daang libong ektaryang  hindi isinama sa  CARP sa bisa ng DOJ Opinion No. 44  noong 1990 – mga lupaing agrikultural na klasipikadong komersyal, industriyal at residensyal bago Hunyo 1988.  Isa pa ang Local Government Code ng 1991 na nagbigay ng kapangyarihan sa lokal na gubyerno na baguhin ang klasikipasyon ng lupa na nagbigay daan sa mga conversion.

Bukod pa,  ang sinaklaw ng implementasyon ay binutas ng mga probisyon sa batas  tulad ng Voluntary Land Transfer ( VLT ),  stock distribution option ( SDO ) at leaseback arrangement (1 )  na hindi tunay na nagpapamahagi ng pag-aari at kontrol ng lupa sa magsasaka.  Dinemonyo rin ito ng maraming exemption,  malawakang korupsyon, at mga scam sa lupa ng mga burukrata.  Pinilay ito ng pagkakait ng Kongreso ng sapat na pondo. Sinagasaan ito  ng mga land grabbing at conversion at sari-saring legal na maniobra at karahasan sa mga magbubukid ng  mga panginoong maylupa at kapitalista.

Ang mga naglalakihang asyenda sa Negros, mga malalaking pribadong lupain sa Bikol at Timog Katagalugan,  iba pang  lugar sa Kabisayaan at ang mga plantasyon sa Mindanao ang matibay na saksi ng pananatili ng pribadong monopoly sa lupa.

Ang opensiba para sa katarungang panlipunan na binunga ng pakikibakang bayan sa panahon ng diktadura at matapos nito ay napalitan ng bagong opensiba ng malakihang pribadong akumulasyon ng pag-aari at kontrol ng lupa.

Taglay ang saligang kahinaan at limitasyon ng isang burgis na reporma sa lupa,  ang CARP/CARPER ay binansot pa at tuluyang pinatay ng burgis na gubyerno .  Di tulad ng mga burgis na gubyerno sa ibang bansa na nakapagpatupad ng reporma sa lupa bilang mayor na sangkap ng kanilang sariling industriyalisasyon at ekonomya,  ang mga kapitalistang Pilipino na nagdodomina sa gubyerno ay  karay-karay lamang ng mga global na pwersang kapitalista at marami pang tali sa mga pwersang malapyudal sa kanayunan.  Wala silang balak at kakayahan na magpaunlad ng sariling agrikultura at industriya.  At lalong wala silang intensyon na magreporma sa lupa pa. Wala tayong maaasahan na sa kanila.

Talagang wala na tayong maasahan sa umiiral na sistema sa harap ng nagpatung patong pang mga pahirap sa mamamayan.  Ang agribusiness at real estate at minahan na itinayo sa lupang agrikultural ay lalong nagpahina sa ating seguridad sa pagkain,  nagpalala sa pagwasak ng kapaligiran at kawalan ng balanse ng ekolohiya ng maraming lugar, at nagpalayas sa mga mamamayan mula sa kanilang saka, tirahan at/o lupang ninuno.

Ang burges na reporma sa lupa ay hindi na makapagbibigay ng hustisya sa lupa at mayor na papel sa pagpapaunlad ng ating agrikultura at depensa ng ating kapaligiran.  Patitindihin lang nito ang kapitalistang pandarambong at malakihang akumulasyon ng lupa at pagwasak ng kapaligiran.

Sosyalisasyon ng Lupa

Tawag ng panahon ang  radikal na solusyon.  Ang solusyong ito ay SOSYALISTANG SOLUSYON.  At ang ibig sabihin nito sa saligan ay sosyalisasyon ng pag-aari at kontrol ng lupa bilang pwersa ng produksyon.

Ang pananalasang nagaganap ay nagpapatampok ng kahungkagan ng pribadong pag-aari ng lupa.  Para mapalitaw na may batayan ang pribadong pag-aari sa lupa sa  ilalim ng kapitalismo, ilang siglo nang ginigiit ng mga neoklasikal na kapitalistang pantas na ang paglalapat ng lakas paggawa at mga produkto nito tulad ng teknolohiya ay nagbibigay ng halaga sa lupa kung kayat maaari itong ariin nang pribado.  Inaargumento nila na ito ay kaiba sa pag-aari ng lupa ng mga hari at mananakop na bansa na nakabatay sa lantay na marahas na pananakop.

Ang hindi malutas-lutas ng mga pantas na ito ay ang problema na ang lupa bilang lupa lamang ay hindi produkto ng lakas paggawa di tulad ng teknolohiya, makinarya at iba pa na maaaring kunan ng sobrang halaga na gagawing kapital.

Isa pang problema nila ay pwede naming kwentahin ang halaga ng lakas paggawa na ginamit sa lupa nang hiwalay sa angking halaga ng lupa batay sa tinatawag na “ socially necessary labor time “.

Ang aral ng Simbahang Katoliko na ang lupa ay hindi dapat ariin ninuman dahil ito  ay natural na biyaya ng Maylikha ay pilipit sa harap ng pagpayag nilang ariin ito pero may regulasyon ng estado para sa kagalingan ng lahat. 

Mas malinaw at buo ang paniniwala ng mga katutubo tulad ng sinabi ng lider- Cordillera na si Macliing Dulag na paano masasabi na pwedeng ariin ang lupa gayong kapag wala na tayo, nandyan pa ang lupa.  Ang lupa ang nagmamay-ari sa atin.  Paalala ito na bago ang 300 taon ng kolonyalismong Espanyol at sumunod na kolonyalismong Amerikano, ang malaking kalakhan ng mga lupain, kagubatan at katubigan sa Pilipinas ay tinakda ng ating mga ninuno na mga KUMON.  Pamana ng kolonyalismo ang pribadong pag-aari ng lupa batay sa lantay at marahas na pananakop na hanggang ngayon ay nagdudulot ng walang kapantay na inhustisya at pagkakait sa kagalingan ng lahat.

Walang ibang solusyon sa problema ng lupa kundi ang kilalaning wala dapat magmay-ari nito nang pribado.  Ang papel ng estado o komunidad ay stewardship sa ngalan ng bayan. Sa karanasan ng mga sosyalistang rebolusyon at pagbubuo ng lipunan, maraming mapanlikhang porma ng stewardship na ito para ikumbina ang mga layuning 1) pangalagaan at pagyamanin ang pag-aari at kontrol ng bayan sa lupa, 2) mapalitaw at mapalakas ang produktibong enerhiya at kapakinabangan ng mga magbubukid at manggagawa sa agrikultura, 3) matiyak na maglilingkod ito sa seguridad sa pagkain at soberanya sa pagkain ng bansa , pangangalaga sa balance ng ekolohiya at paglikha ng industriya.

Halimbawa ng mga pormang ito ay mga sakahang pang-estado kung saan ang estado ay naggagarantiya sa batas at sa suporta at ang pamamahala ay nasa kamay ng mga magbubikid at/o  manggagawa sa pamamagitan ng kanilang mga komite.  Isa pa ay ang magkasamang estado at kooperatibang magbubukid at/o manggagawa. At ang isa pa ay ang kooperatibang bayan na magpapatakbo ng produksyon .  Marami pang ibang malilikha batay sa maayos na pag-aaral at konsultasyong bayan.

Transisyon

Subalit sa kasalukuyang kalagayan, hindi to mailalapat nang buo at bigla.  Isang malaking hamon ay ang mahigit 3 milyong magbubukid na nagkamit ng sariling lupa sa ilalim ng natapos na batas sa pamamagitan ng kanilang pakikibaka.  Dapat ito ay kilalanin at iproseso tungo sa boluntaryong pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang kooperatiba, sosyalistang edukasyon at ayuda ng estado.  Isa pang hamon ay ang mga katutubo sa mga lupang ninuno.

Kailangan kung gayon ng isang PROGRAMA ng TRANSISYON.  Kabilang sa mga mayor na sangkap nito ay  sumusunod :

  1. pagtigil agad sa lahat ng konbersyon ng lupa at pagrepaso sa lahat ng nagawa na -  ang  napatunayang ginawa nang marahas at may panloloko at korupsyon ay dapat bawiin at/o gawan ng isang sistema ng restitusyon para sa mga nabiktima; 

  2. paglansag sa mga pribadong monopoly sa kalakal sa produktong agrikultural at isabansa ang kalakalang ito;

  3. kumpiskasyon o ekspropriasyon ng malalaking lupaing agrikultural at libreng ipamahagi ito at kasama ng mga magbubukid at/o manggagawa, magtayo ng kooperatibang bayan o magkasanib na estado-kooperatiba o sakahang estado;

  4. pagpapalakas ng kooperatibisasyon ng mga magbubukid na nagkamit na ng sariling lupa, bombahan sila ng puhunan, patubig at teknolohiya at ikondona ang amortisasyon ng mga may CLOA;

  5. pagkilala at pagtaguyod sa karapatan ng mga katutubo sa lupang ninuno at pagtigil sa mga minahan at logging sa kanilang mga lupa; 

  6. aktibong pagtatayo at pagganyak ng  kaugnay na industriya ng processing sa pagkain at produktong agrikultural at mga serbisyo para bigyan ng trabaho ang mga manggagawang bukid na walang lupa; at

  7. pagsama at pagpapakilos sa mga magbubukid at manggagawang bukid para sa mga hakbanging ito na dapat tumungo sa ibayong paglakas at pangingibabaw ng sektor ng publiko at estado sa agraryo/agrikultura.

_____________________

* Ric Reyes is a long-term socialist activist and advisor to Katarungan.

Editorial Board


Ramani Silva

Sonny Melencio

Ric Reyes

Ed Tadem

Luke Espiritu

Merck Maguddayao

Walden Bello

Kat Leuch

Ellecer 'Budit' Carlos

Aaron Pedrosa

Cover and layout artist

Zeus Agustin

Links

Partido Lakas ng Masa