Issue 1

February 2017

[ CLICK TO ENLARGE ]

Issue 1: February 2017

Tindig Kabataan, Tindig CvSU-Silang, Ipaglaban ang atin dapat!

CvSU-Silang.jpg

Noong Enero 16, 2017, isang magandang kaganapan ang nangyari sa Cavite State University-Silang kung saan inilunsad ng mga kabataan ang nagkakaisang pagkilos upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at upang ipakita sa administrasyon ng paaralan ang di-patitinag nilang paglaban. Hindi lamang mga kabataan ang nandoon. Nandoon din ang kanilang mga magulang na sumusuporta sa kanilang laban.

Napaiyak ang mga magulang sa sobrang emosyon, emosyon na umaapaw at naglalagablab mula sa mga kabataan na ipinaglalaban ang bawat pribilehiyo na dapat nasa sa kanila. Dito lang napatunayan ng ibang mga kabataan, saksi ang ilang mga kasama, na ang nagkakaisang kabataan ay kailanma’y hindi magigiba.

Dito nailathala ang isyu na nais ipangalat sa marami dahil isyu ito ng lahat. Mahigit 4,000 mag-aaral ng Cavite State Universitv-Silang (CvSU-Silang) ang pinagsisinungalingan at itinatago sa kanila ang dapat na sa kanila. Hindi man makapagsalita ang ilang kabataan, makikita ang kanilang suporta at hiyaw sa mga isyu na isinisiwalat ng mga kabataang nag-picket sa harap ng eskwelahan.

Madaming mga gahaman sa posisyon ang naglabasan, maraming mga nang-harass pero hindi kami nagpatinag. Ito’y una sa kasaysayan ng CvSU-Silang campus, kung saan may nagprotestang mga estudyante na sumisigaw ng hustisya at katotohanan!

Dekalidad na edukasyon; sagutin ang katanungan ng mga estudyante; at maka-estudyanteng pakikitungo ng student council at administrasyon ng eskwelahan -- iyan ang pangunahing hiling ng mga mag-aaral noong mga oras na iyon. Dapat hindi na ito hinihingi, dapat ay ibinibigay at ginagawa nila bilang serbisyo at paggampan ng kanilang sinasabing mga misyon.

Nagngingitngit ang kalooban ng mga estudyante – mula sa mga nag pi-picket na mga estudyante at sa suporta ng nakararaming estudyante. Hindi sila umalis sa aming tabi hanggat hindi natatapos ang programa. Tunay ngang nakikinig sila at interesado sa bawat isyu na aming tinatalakay.

Nakatataba ng puso ang aming nasaksihan na todong suporta ang ibinigay ng aming kapwa mag-aaral sa kabila ng mga pangungutya ng ilang mga guro. Hindi sila nagpatinag at sila’y sumuporta pa din. Kaya sumpa namin, kung hindi maisasaayos ang mga napag-usapan, BABALIK KAMI NA MAS MARAMI PA, bitbit ang pangunahing MGA isyu at ipapangalat pa tulad nito:

Kasong libel at perjury sa 34 na estudyante, ibasura!

Tatlumpu’t apat na estudyante ng CvSU-Silang ay naghain ng petisyon sa Pangulo ng CvSU upang humingi ng klaripikasyon hinggil sa suspetsa nilang anomalya na kinasasangkutan ng dating Dean Dr. Dinah Espineli, dating OSA Head Quintin Subong at Merrill Kim Almeda na kasalukuyang Pangulo ng Cavite Student Government (CSG).

Layunin ng petisyon na magkaroon ng kaliwanagan kaugnay ng mga sumusunod:

Magkakaibang paliwanag tungkol sa status ng second-hand na Toyota Innova na ginagamit nina Mr. Subong at Kim;

Kwestyonableng paggamit ng ng CSG fund sa proyektong Student Park;

Di-makataong pakikitungo sa mga estudyante ng CvSU, ROTC at sa mga non-teaching staffs ng dating dekana Gng. Espineli.

Sa halip na pagtuunan ang nasabing mga isyu, sinampahan ang 34 ng kasong libel at perjury sa Office of the Provincial Prosecutor sa Imus, Cavite. Itinakda ang kanilang hearing noong Enero 17, 2017.

Ang hinihiling ng mga estudyante ay simpleng klaripikasyon sa accountability ng administrasyon kaugnay ng nabanggit na mga isyu. Ito’y bahagi ng karapatan ng mga mag-aaral na maging transparent ang mga opisyal tungo sa matapat na paglilingkod at pagtataas ng kalidad ng edukasyon.

Ang pagsasampa ng kaso laban sa mga estudyante ay nangangahulugan lamang ng pag-iwas sa katotohanan at pananakot upang sila’y patahimikin. Nilalagay nito sa panganib ang karapatan at pangarap ng kanilang mga magulang na makapagtapos sila ng kolehiyo at maging produktibong Pilipino.

Ang laban ng CvSU-Silang 34 ay laban nating lahat para sa isang disente at malinis na CvSU-Silang Campus.

Ilan lamang ito sa mga panawagan naming mag-aaral. Hindi lamang ito sa CvSU-Silang Campus kundi sa buong sistema ng ng Cavite State University upang mabago at malinis ang mga bulok na sistema na umiiral sa buong unibersidad at magkaroon ng kapita-pitagang reporma na inaasam ng CvSUeño. Sa11 satelites campus at sa aming main campus, gusto naming maranasan ang tunay na kalidad ng edukasyon, malayang pakikitungo sa kapwa mag-aaral man o sa administrasyon, at isang patas na paglilingkod. Walang dahas, walang korapsyon, at higit sa lahat mayroong maayos na pakikitungo upang mapunto ang ninanais na pagbabago.

Ito’y hinahangad namin hindi lamang para sa aming mga sarili kundi pati narin sa mga susunod pang henerasyon na magsisipag- aral sa aming sintang unibersidad.

Ito’y laban din namin para sa aming mga magulang na nagsisikap na kami’y mapag-aral. Sila’y lumalaban din bilang mga manggagawa upang kami’y mabigyan ng magandang kinabukasan.

Kaming kabataan na pag-asa ng aming pamilya at higit sa lahat ng bayan, ayaw naming masadlak sa kawalang pag-asa, at higit sa lahat, ayaw naming hayaan na ang nararanasan namin ngayong krisis dahil sa bulok na sistema ay maranasan pa ng mga susunod na henerasyon ng kabataan.

Kung may magagawa kami ngayon, bakit kailangang ipagpabukas pa? Ayaw na naming ipagpaliban ito, dahil baka maudlot pa ang pag-asa ng bayan.

Layunin naming mga bukas na ang isipan na buksan din ang isipan ng iba. Hindi na kami magpapatumpik-tumpik pa: laban kung laban! Hanggang makamtan ang inaasam ng ating bayan. Bilang mga Iskolar ng Bayan, kami ay lumalaban sa maling aming nakikita at aming ipinaglalaban kung ano ang tama.

Dahil KABATAAN, KAIISA KA, MAY PAKIALAM KA.

__________________

*Si Lorena Ladipe ay lider ng Young PLM sa Cavite. Binubuo nila ngayon ang chapter ng PLM (Partido Lakas ng Masa) sa Cavite State University campus.

Editorial Board


Ramani Silva

Sonny Melencio

Ric Reyes

Ed Tadem

Luke Espiritu

Merck Maguddayao

Walden Bello

Kat Leuch

Ellecer 'Budit' Carlos

Aaron Pedrosa

Cover and layout artist

Zeus Agustin

Links

Partido Lakas ng Masa