Issue 1

February 2017

[ CLICK TO ENLARGE ]

Issue 1: February 2017

Ang Karakter ng Rehimeng Duterte

NANALO si Rodrigo Duterte bilang pangulo sa pamamagitan ng isang kampanya na sumakay sa pagkasuklam at pagkasiphayo ng masa sa sistemang trapo.Isang sistema na pinaghaharian ng mga Dilawan o mga pwersang nagtataguyod ng interes ng oligarkiya.

Sa mga unang buwan ng kanyang pamumuno, isinumpa ni Duterte ang oligarkiya bilang mga “halimaw” na pinagpipistahan ang dambuhalang mga kontrata sa pamahalaan, lumulusot sa pagbabayad ng tamang buwis, at pinayayaman ang sarili sa pawis ng marami. Nangako ang pangulo na susugpuin ang oligarkiya kasama ang mga drug dealer.

Itinuro niya si Roberto Ongpin, dating ministro ng trade and industry noong panahon ni Marcos, bilang halimbawa ng nasa oligarkiya. Ani Duterte, ibinubulid ng taong ito, na walang inisip kundi magpayaman, ang mga mamamayan sa masamang bisyo ng online gambling. Agad iniutos ni Duterte na alisan ng rehistro ang PhilWeb, ang kompanya sa online gambling ni Ongpin. Sa takot ng huli, nag-divest ito ng lahat ng share at nag-resign bilang pinuno ng PhilWeb.

Nang walang kaabog-abog, binili ito ni Greggy Araneta, asawa ni Irene Marcos, na naging bagong tagapangulo ng kompanya. Mula nang makuha ito ng mga paryentes ni Marcos, tumigil na ang atake ni Duterte kay Ongpin. Gayundin ang kanyang mga atake sa oligarkiya.

Kaya totoo ba na seryoso ang rehimeng Duterte sa pagtibag sa oligarkiya gaya nang naunang mga pronouncement nito?

Ngayong Enero, ipinatawag ni Duterte sa isang piging ang mga pangunahing tycoon, taipan at kapitan ng industriya at kalakalan sa Pilipinas.Iniulat ng media na nagkaroon ng “intimate dialog” ang Pangulo sa mga top honchos na gaya nina Manny Pangilinan ng PLDT, Jaime Zobel de Ayala ng Ayala Corporation, Henry Sy ng SM, Erramon Aboitiz ng Aboitiz Group, Enrique Razon ng International Container Services, at iba pang mga nabibilang sa 20 pinakamayayamang Pilipino sa bansa.

Ito ang kaunaunahang pagtitipon ng oligarkiya sa palasyo ng Malakanyang, at sa imbitasyon ng pangulo na minsang nilibak silang mga “halimaw”.  Nagbago na ang tinig ng pangulo. Balik-ligaya na naman ang oligarkiya.

Sinu-sino ang Oligarkiya

Ang oligarkiya ay isang maliit na grupo ng mga tao, pangunahing mga kapitan ng industriya at kalakalan na may kontrol ng pamahalaan. Ang pagsugpo sa oligarikiya ang isa sa mga dahilang ginamit ni Ferdinand Marcos sa pagdeklara ng martial law noong 1972. Tinutukoy niya noon ang gaya ng mga Lopez (may kontrol ng media at iba pang negosyo), mga Zobel at Ayala, at mga Aboitiz.

Sa ilalim ng diktadura ni Marcos, sinupil ang marami sa oligarkiya (ipinakulong halimbawa ang isa sa mga Lopez) at nagtatag ng mga “bagong oligarkiya” na nagsimulang mga “cronies” o kasapakat ni Marcos sa negosyo. Ito sina Lucio Tan, Henry Sy, Roberto Ongpin, Herminio Disini, Gilberto Duavit, Antonio Floirendo, Danding Cojuangco, at mga gaya nila. Sila ang mga cronies na tumanggap ng maraming pondo at rekurso ng gobyerno para palakihin pa ang kanilang mga korporasyon at ari-arian (na may malaking hamig si Marcos).

Nang maupo si Cory Aquino noong 1986 sa bisa ng Edsa Revolution, agad ibinalik sa kanikanilang negosyo ang “lumang oligarkiya.” Nailipat muli sa kanila ang mga ari-arian at negosyong siniquester ni Marcos noong martial law. Pero dahil hindi man lamang nakasuhan ang mga cronies ni Marcos, nanumbalik din sila sa negosyo. Ang ilang mga tuso ay itinago o ipinasa-pasa sa iba pang korporasyon ang kitang nakalaan kay Marcos para hindi ito mahabol ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).  Sa kalaunan, ang ill-gotten money na para kay Marcos money ay nagmistulang Mafia money – naging lehitimong kapital sa lehitimong mga negosyo. Ganito ang naging proseso ng share ni Danding Cojuangco sa SMC.

Noong mangampanya si Duterte, may mga myembro ng oligarkiyang tomodo ng suporta sa kanya. Isa na rito ang numero-unong oligarch na pamilya Marcos. Isa pa rin ang Mindanao “banana king” na si Tony Floirendo na nagbigay ng P75 milyon dahil daw sa “pag-ibig kapatid” niya kay Duterte. Ang mga ito ay bahagi ng “bagong oligarkiya” na nabuo noong panahon ni Marcos.

Dahil sa suporta ng oligarkiya, walang naging pangulo ng Pilipinas na hindi nagtaguyod ng kanilang interes pagkaupo sa pwesto. Minsan, inisip ng marami na naiiba itong si Duterte. Pero ngayong nag-iba na ng tono ang pangulo at nagpapatuloy ang neoliberal na programa na ang nakikinabang ay malalaking kompanya, nasaan ang pagbabago? Isang patunay ng anti-oligarkiya ay kung magkakaroon ng political will ang pangulo na isabansa ang malalaking korporasyon at industriyang magbibigay ng malaking ginhawa sa masa.

Mga paksyon sa gobyerno

Bagamat naglubay na si Duterte sa pag-atake sa oligarkiya, hindi naman naglulubay ang kanyang paksyon na kopohin ang estado laban sa dating naghaharing paksyon. Ang huli ay tinatawag ding mga Dilawan, binubuo ng mga trapo sa ilalim ng dating namamayagpag na Liberal Party. Ito’y halos anino na lamang ng nakaraan dahil sa pagsapi ng marami rito sa “supermajority” ni Duterte sa Kongreso.

Ang paksyon ni Duterte ay pangunahing binubuo ng mga lokal na politiko na nasa gilid-gilid ng tinatawag nilang “Imperial Manila” o mga trapong matagal nang kinopo ang mga pambansang pwesto. Ang base ng suporta ni Duterte ay mga trapo ring nakakalat sa mga probinsiya at rehiyon.

Isa sa mga layunin ng paksyong ito ay ang pagbaliktad sa paghahari ng Imperial Manila sa pamamagitan ng pagtatayo ng federal system na may parliamentaryo o magkahalong presidential-parliamentary na gobyerno. Para mangyari ito, kailangang baguhin ang Konstitusyon. Nagkakaisa ngayon ang Kongreso na ideklara ang kanilang sarili bilang Constituent Assembly (Con-Ass) para isulong ang Chacha. Ang pamamaraang ito, ani House Speaker Pantaleon Alvarez, ay gaganapin sa loob ng anim na buwan mula ngayon.

Warlordismo

Kinakatawan ng paksyon ni Duterte ang penomenon ng warlordismo sa bansa. Ito ang paraan ng paghahari na gumagamit ng sukdulang karahasan – kabilang ang pagbubuo ng private army at death squad – para isulong ang sariling ambisyon. Ito ay matagal nang umiiral sa iba’t ibang lugar, gaya ng Davao (sa ilalim ni Duterte), Isabela (ang mga Dy), Escalante (mga Yap), Maguindanao (mga Ampatuan), at iba pa. Ang warlordismo ay nakapundar sa makasarili at authoritarian na paraan ng paghahari, at sa gayo’y madaling dumausdos sa pagwasak sa anumang anyo ng liberal na demokratikong proseso.

Ang penomenon ng warlordismo sa bansa ay iniluluwal ng isang sistemang pinanday ng kolonyal at pyudal na kasaysayan kung saan ang naghaharing uri ay silang tumanggap ng biyaya sa kolonyal na administrasyon. Inari nila ang malalawak na lupain at sa batayan nito ay naging mga political clan na naghari-harian sa kanilang mga lugar. 

Ang paghaharing ito, na hindi nakabatay sa merito o anumang liberal na demokratikong proseso, ang salalayan ng warlordismo sa maraming lugar sa Pilipinas. Pinatutunayan din nito na ang pambansang estado (nation-state) sa Pilipinas ay mahina, at kinokontrol ng oligarkiya at mga political clans na walang pakialam sa mga probinsya at rehiyon hangga’t nasa kanila ang kakayahang mamahagi ng mga dinadambong sa pamahalaan.

Ang pagkapanalo ni Duterte ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na umupo sa pambansang pwesto ang isang lokal na warlord.

Maghanda

Sa harap ng isang rehimeng otoritaryan at may warlord na sikolohiya at pamamaraan, nahaharap ang uring manggagawa at ang masa sa isang maselan at mapanganib na panahon.

Pitong buwan pa lamang si Duterte sa pwesto, subalit lumilinaw na ang limitasyon ng kanyang rehimen. Nauuwi sa rhetorics ang maraming pahayag ng pangulo, gaya ng pagpapalayas sa US military sa bansa at pag-repeal sa mga di-pantay na tratado sa Amerika. Maraming pangako ang nababali, gaya ng pagbuwag sa kontraktwalisasyon.

Ang halos natitira na lamang na accomplishment ni Duterte ay ang bangis ng kanyang gyera laban sa droga. Pero kung nais ni Duterteng matupad ang kanyang mga pangako sa masa, ang kamay na bakal ay hindi dapat ituon sa pagpaslang sa 7,000 mahihirap sa ilalim ng gyera sa droga. Ito ay dapat ituon sa pagsugpo sa oligarkiya at pagtigil sa mga patakarang neoliberal na dahilan ng sobrang kahirapan at istagnasyon ng ekonomiya sa bansa.   

Kung hindi magkakagayon, hindi magaganap ang mga pangako. At sa oras na kumilos ang masa para maningil dito, oras din na sasambulat sa kanila ang tunay na katangian ng rehimen.

Kailangang maghanda. At kasama sa paghahanda ang malawakang paglalantad sa katangian ng rehimen, ang pagpapalakas ng ating hanay, at ang pagsusulong ng mas malalaki at mas matitinding mobilisasyon ng masa. #

 

* Si Sonny Melencio ay Chairperson ng Partido Lakas ng Masa.

Editorial Board


Ramani Silva

Sonny Melencio

Ric Reyes

Ed Tadem

Luke Espiritu

Merck Maguddayao

Walden Bello

Kat Leuch

Ellecer 'Budit' Carlos

Aaron Pedrosa

Cover and layout artist

Zeus Agustin

Links

Partido Lakas ng Masa